LAGUNA – HINDI na nagawa pang maisalba ng mga bombero ang apat na miyembro ng isang pamilya makaraang aksidenteng masunog ang tirahan ng mga ito sa Millwood Subd., Brgy. Pulo, lungsod ng Cabuyao kahapon ng madaling araw.
Ayon sa inisyal na ulat ni Cabuyao Bureau of Fire Protection (BFP) Ground Commander CInsp. Arlene Balais, nakilala ang biktimang sina Baldomero Gayol, 54, Jennifer, 37, Rommel, 25, at Sophia Parag Gayol, 8-anyos.
Sa imbestigasyon, dakong alas-2:49 ng madaling araw nang maganap ang naturang insidente habang mahimbing na natutulog ang mga biktima sa loob ng kanilang kuwarto nang hindi inaasahang sumiklab ang malaking apoy.
Dahil dito, hinihinalang nagdesisyon ang kanilang ama na si Baldomero na magkulong na lamang ang mga ito sa loob ng kanilang comfort room kung saan doon ang mga ito na-suffocate at tuluyang nawalan ng buhay bago pa nakarating ang mga rumespondeng pamatay sunog sa lugar.
Sa loob ng mahigit na kalahating oras ay idineklarang fire out ito ni Balais samantalang habang aktong binubuksan nito ang pintuan ng comfort room ay tumambad ang bangkay ng mga biktima habang nakahandusay ang mga ito sa loob.
Samantala, patuloy na inaalam ngayon ni Balais at ng kanyang mga tauhan kung ano ang pinagmulan ng apoy at ang kabuuang halaga ng natupok na ari-arian. DICK GARAY
Comments are closed.