CAVITE- HABANG nasa signal no. 2 ang buong lalawigan dulot ng bagyong Pepito, isang bahay naman ang sumiklab kahapon ng umaga sa Tramo Road, Brgy. Tejeros Convention, Rosario.
Nagtulung-tulong ang mga magkakapit-bahay sa pagbuhos ng tubig habang hinihintay ang bumbero.
Ang iba ay umakyat pa sa bubong upang buhusan ng tubig na buhat sa kanya-kanyang diskarte, ang mga katabing bahay upang hindi na ito makadamay pa ng kapit-bahay.
Sa ulat ng Barangay Disaster Team, wala ang buong pamilya Paulite nang mangyari ang sunog dahil sumamba sila.
Umabot sa unang alarma ang sunog na nirespondehan ng dalawang fire truck at idineklarang fire out ganap na alas-12:40 ng tanghali.
Halos uling na ang buong bahay nang madatnan ito ng pamilya Paulite.
Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pinagmulan ng sunog.
Isang minor injury naman ang tinamo ng kamag-anak ng nasunugan na si Renz Casinillo Paulite habang tumutulong sa pag-apula ng apoy.
SID SAMANIEGO