BAHAY NG 5 KOREANO NILOOBAN

CAVITE – LIMANG Koreano ang nawalan ng malaking halaga ng pera, iba’t ibang uri ng gamit at alahas makaraang pasukin ng mga di-kilalang kawatan ang kanilang bahay sa Eagle Ridge Subd sa Brgy. Javalera, General Trias City kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, kinilala ang mga biktima na sina Kidae Lee, 61-anyos; Byeongjun An, 55-anyos; Seonghwan Lee, 54-anyos; Hyoungwoo Kim, 43-anyos; at Seonghoon Kim, 51-anyos, pawang nakatira sa nabanggit na subdivision.

Napag-alamang isa sa kawatan ang nanutok ng baril na replica sa isa sa mga biktima bago pumasok ng bahay subalit isa sa mga biktima ay nanlaban at nasugatan.

Kaagad na niransak ng mga kawatan ang mga gamit, alahas at malaking halaga ng pera ng mga Koreano bago tumakas.

Sa follow-up operation ng mga operatiba, narekober naman na may ilang metro ang layo sa bahay ng mga biktima ang bag na naglalaman ng cal. 9mm airsoft/replica na ginamit ng mga kawatan.

Kasalukuyang nirerebisa ng pulisya ang CCTV footages para makilala ang mga kawatan kung saan hinikayat naman ang mga residenteng kapitbahay ng mga biktima na ipagbigay-alam sa police station sakaling may nakakita sa naganap na robbery. MHAR BASCO