BAHAY NG PCO CHIEF NADAMAY SA SUNOG

ISA ang bahay ni Presidential Communication Office (PCO) chief Cheloy Garafil sa mga naapektuhan sa naganap na sunog sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) naganap ang naturang sunog dakong alas-8 ng gabi mula sa isang duplex house at ito ay mabilis na kumalat sa katabing bahay.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Garafil hinggil sa nangyaring insidente.

Kaugnay nito, isang 67-anyos na residente ang nagtamo ng third degree burns sa kanyang kamay na agad namang isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas, ayon sa BFP.

Nabatid na tatlong pamilya naman ang naapektuhan ng nasabing sunog.

Dakong alas-10:44 ng gabi nang ideklara ng BFP ang fire out.

Tinatayang humigit kumulang sa P7 milyon ang halaga ng mga ari-arian ang iniwang pinsala sa naturang insidente.

Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat ng grupo ng BFP upang alamin kung ano ang dahilan ng naturang insidente.
EVELYN GARCIA