INIHAYAG ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas na pinagkalooban ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Bahay Pag-asa ng Level II Certificate of Accreditation.
Ang Las Piñas ang kauna-unahang local government unit (LGU) sa Metro Manila na nakatanggap ng Level II accreditation mula sa DSWD.
Sa liham na ipinadala kay Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar Aguilar, inabisuhan ng DSWD na nakumpleto ng lungsod ang mga requirement ng kanilang rekomendasyon sa assessment na isinagawa sa center ng kanilang technical staff na si Christie R. Reamico nitong Pebrero 9-10, 2023.
Ang liham para kay Aguilar at Lowefe T. Romulo RSW, officer-in-charge (OIC) ng City Social Welfare and Development Office (SWDO) ay nilagdaan ni Atty. Megan Therese Y. Manahan, Director IV, DSWD Standards Bureau.
Ipinagkaloob ng DSWD ang Level II Certificate of Accreditation sa Bahay Pag-asa makaraang makakuha ito ng perpektong 290/290 puntos para sa aplikasyon ng Level I at mataas na nakamit ang nararapat na requirements para sa Level II Accreditation na 123/150 puntos na katumbas ng 82 porsiyento.
Ayon sa DSWD, ang inisyung sertipiko sa Bahay Pag-asa ay mananatiling valid ng limang taon at nararapat itong permanenteng nakapaskil sa isang lugar sa center.
Bilang bahagi naman ng DSWD Reportorial Requirements, kailangang magsumite sa nabanggit na ahensya ang lungsod ng Annual Accomplishment Report.
Kasabay nito, hinimok din ng DSWD ang center na panatilihin ang pagbibigay ng mataas na kalidad ng kanilang pagseserbisyo dahil patuloy silang magsasagawa ng monitoring sa implementasyon ng programa ng center habang valid pa ang Accreditation Certificate sa loob ng limang taon.
Sinabi din ni Aguilar na ang mga nasa delikadong kalagayan na mga bata gayundin ang mga batang in conflict with the law na nasa pangangalaga ng center ay nakatatanggap ng iba’t-ibang serbisyo tulad ng pang edukasyon, ispiritwal, pagtatanim at iba pa.
Dagdag pa ng mayora na ang mga social workers na nakatalaga sa center ay taos-pusong nagtatrabaho at umaasang sa pagdating ng panahon, ang mga batang nasa kanilang pangangalaga ay tuluyan nang matangap ng iba’t-ibang komunidad sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ