BAHAY PINASOK, GINANG TINADTAD NG SAKSAK

saksak

LAGUNA – BINAWIAN nang buhay habang isinusugod sa General Cailles Memorial District Hospital ang 36-anyos na ginang makaraang tadtarin ng saksak ng hindi pa nakikilalang suspek sa Bgy. Natividad, bayan ng Pangil sa nasabing lalawigan nitong  Linggo ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ni PLt. Ragemer Hermedilla, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Aimie Javier, single mother, residente ng nasa-bing lugar.

Bandang alas 5:15 ng madaling araw base sa ulat ng matuklasan ng kanyang mga kapitbahay ang naganap na insidente matapos marinig ng mga ito ang walang tigil na pag-iyak ng kanyang anak na tatlong taong gulang na lalaki.

Sinasabing doon mismo sa loob ng maliit na bahay, nadiskubre ng pulisya ang nakahandusay na katawan ng biktima habang naliligo sa sarili nitong dugo, tadtad ng nasa mahigit na 30 saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Lumilitaw sa imbestigasyon na puwersahan umanong dumaan sa likod ng bahay ang suspek bago nito isinagawa ang krimen habang kasama ng biktima sa pagtulog ang kanyang anak kung saan masuwerteng hindi ito idinamay.

Hinala ng pulisya na posible umanong pinagtangkaang pagsamantalahan ng suspek ang biktima samantalang nagawa pa rin nitong manlaban na nauwi sa pamamaslang.

Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang pulisya para sa agarang pagkaka-kilanlan sa suspek at ang mabilisang pag-aresto rito. DICK GARAY

Comments are closed.