PINAYUHAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga botante sa darating na eleksiyon na huwag tatanggap ng pera sa mga kandidato at baka mabudol ng pekeng pera.
Ginawa ni Eleazar ang paalala matapos na mahuli ng mga tauhan ng Criminal Investigation and detection group (CIDG) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang dalawang suspek na bahagi ng sindikato na nasa likod ng paggawa at pagpapakalat ng pekeng pera sa Cebu.
Mahigit P100,000 halaga ng pekeng 1000 at 500 pisong bill ang nakuha sa dalawang arestadong suspek na sina Ivan Noval Luardo at Joseph Mercado Salas sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Cebu.
Batay sa impormasyon ng CIDG, ang pekeng pera ay inihahanda para sa darating na eleksyon sa susunod na taon.
Payo naman ni Eleazar sa publiko na ipagbigay alam agad sa mga awtoridad kung nabiktima o napasahan ng pekeng pera para mahuli agad ang mga nasa likod nito. REA SARMIENTO