BAKA MAY MASAMPOLAN SA BOC SA MGA MALING KALAKARAN

MAY isang reliable source na isang kaibigan ko na dumulog sa akin tungkol sa isang problema sa Bureau of Customs (BoC).

Ooops! BoC, alam naman natin na isa ito sa pinakakontrobersyal na ahensiya ng Department of Finance.

Maraming kuwento at haka-haka tungkol sa mga hokus pokus na nangyayari sa BoC.

Hindi ba’t naglabas ng ulat si dating Senate President Tito Sotto tungkol sa mga opisyal ng BoC na kailangang imbestigahan sa mga kuwestiyonableng kalakaran na maaaring ugat ng smuggling sa nasabing ahensiya?

Opo, malaking bahagi ang ambag ng BoC upang makatulong ng malaking halaga ng buwis sa ating pamahalaan. Subalit kung magpapatuloy ang umano’y garapalang korupsiyon dito, ito ay taliwas sa programa ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) na alisin ang korupsiyon sa gobyerno at iangat ang ekonomiya ng ating bansa.

Ang pagtatalaga kay acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ay malamang na pinag-isipang mabuti ni PBBM upang makatulong na mapatino ang BoC.

Alam ni Ruiz ang mga kalokohan sa loob ng nasabing ahensiya kaya mag-ingat-ingat ang mga grapal na Customs officials diyan at baka ito na ang hudyat na masipa kayo sa inyong trabaho.

Kaya naman may nagsumbong sa akin tungkol sa isang pang-iipit sa Port of Manila na pihadong may kalalagyan ang isang opisyal at baka masipa sa kanyang puwesto kaugnay ng diumano’y “panggigipit” sa isang lehitimong importer. Ano kaya ang pakay nito sa kanyang panggigipit?

Kaso ang problema, tila mali ang kanyang ginipit na lehitimong importer. Marahil ay alam ng importer na malinis ang lahat ng dokumento niya kaya naman malakas ang kanyang loob na isumbong ito kay House Assistant Majority Leader Jeffrey Soriano. Patay kang bata ka!

Malakas ang loob na sinabi ng lehitimong importer ang pangalan ng Customs examiner na nag-iipit ng kanyang kargamento. Siya raw ay taga-BoC district collection office. Isang Principal Examiner sa Sec 7 Port of Manila. Ang sumbong nila, iniipit daw nitong examiner na mailabas ang mga kargamento at container na laman ang kanilang mga produkto. Hindi lang daw iyan, tinataasan pa raw ang valor nito para makakolekta ng mas malaking tara.

Teka, teka…matindi ang pinagsumbungan ng nasabing lehitimong importer. Sino ba itong si Assistant Majority Leader Jeffrey Soriano? Siya ang kumakatawan sa (Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support) ACT-CIS Partylist. Patay kang bata ka!

Ipinaabot ito ni Rep. Soriano kay Acting Customs Commissioner Ruiz na napipilitan sila na magbigay na lang para ma-release na ang mga kargamento. Kasi kung hindi, maaapektuhan lalo ang kanilang negosyo. Lugi na nga sila dito, dahil minsan umaabot sa P100k yung hinihingi ng nasabing examiner.

Ayon sa aking reliable source na kaibigan ko, baka magsulong ng isang resolusyon si Rep. Soriano na magbibigay-daan para sa isang congressional inquiry kaugnay ng kalakaran ng katiwalian sa naturang kawanihan.

Tulad ng bali-balita natin tungkol sa Customs maraming mga negosyante na nagpapasok ng lehitimong produkto sa Pilipinas ang nahihirapan dahil nga sa mga tiwaling kalakaran sa BoC. Pati na rin ang mga maliliit na negosyante na umaasa sa mga produkto galing ibang bansa ang nagsara ng negosyo ngayong pandemya dahil na rin sa ganitong pang-aabuso ng kapangyarihan sa Customs.

Malaking hamon ito kay bagong Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz. Hindi ko na babanggitin ang pangalan nitong Customs examiner na ito. M at E daw ang kanyang pangalan. Kaya maghinay-hinay, muna mga katoto diyan sa BoC, baka masampolan kayo ni Comm. Ruiz!