PARAÑAQUE CITY–APAT katao na pawang mga vendor ang sugatan nang ang mga ito ay mabagsakan ng steel barrier at mahulog sa loob ng isang construction site malapit sa riles ng tren kahapon ng umaga sa lungsod na ito.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Filimon Calaglag,47;Ernesto Temosa, 46; Evelyn Solares, 40, at ang asawa nito na si Glen, 42, kapwa nakatira sa of Block 6 Lot 14, Barangay Timabo, Binan, Laguna.
Ginagamot sa Taguig-Pateros District Hospital sina Calaglag at Temosa samantalang ang mag-asawang Solares ay isinugod naman sa South Super Highway Hospital. Ang mga biktima ay pawang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa pahayag ni Brgy. San Martin De Porres Executive Officer Domingo Obligar, ang insidente ay naganap dakong alas-6:00 kahapon ng umaga, sa pansamantalang tinitirhan ng mga biktima sa construction site ng RGM Construction Company na malapit sa riles ng tren.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na lumambot ang lupa dahilan upang gumuho ang bakod ng naturang construction site hanggang sa nabagsakan ng yero ang mga biktima.
Sa pahayag naman ni Obligar, maaaring ang dumaan na tren na ang posibleng dahilan ng pagyugyog upang lumambot ang lupa.
Napag-alaman na matagal ng pinapaalis ang mga biktima dahil mapanganib ang kanilang tinitirhan.
Hanggang sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente upang madetermina kung may pagkukulang ang nasabing kompanya. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.