BAKASYONG GRANDE SA TAGKAWAYAN BEACH, PUERTO PRICESA

Bumisita kami sa Tagkawayan Beach bago pa lamang sumisikat ang araw upang ma-enjoy ang tahimik na kapaligiran at para walang gaanong tao.

Sa banayad na hampas ng alon sa pasigan, magkakaroon ka ng peace and quiet na wala sa Metro Manila. Makikita mo ang mga karaniwang mangingisdang may dalang huli, mula sa magdamag na pamamalakaya.

Isa ang Tagkawayan Beach sa mga nakatagong hiyas ng Palawan. Isa itong tagong paraiso, na may malinis at malabulak sa pu­ting buhanginan, malinaw na tubig, na napapaligiran ng makapal na berdeng kakahuyang tahanan ng mga kakaibang hayop, insekto at halaman. Hindi ito katulad ng mga lugar sa Palawan na laging dinarayo ng turista. Napanatili nito ang katangi-tanging halinang wala sa iba.

Kinuha raw ang pangalan nito sa bulaklak na Tagkawayan, na ayon sa mga tagaroon ay may dalang swerte kapag natagpuan mong namumukadkad sa pasigan. Wala naman ka­ming nakitang bulaklak o kahit man  lamang halamang namumulaklak sa pasigan — at sabi nga nila, piling tao lamang ang pinagpapakitaan nito. Magical?

Sa mahabang panahon, inalagaan ang Tagkawayan Beach ng mga indigenous people ng Palawan, kung saan naninirahan sila ng may katiwasayan sa piling ng lupa at karagatang pinagkukunan nila ng kabuhayan at pananampa­lataya.

May malalim silang paggalang sa kalikasan, na mababakas sa paraan ng pangangalaga nila sa kapaligiran. Sinisiguro nilang nananatili itong malinis para sa susunod na henerasyon.

Matagal bago may nakatuklas sa Tagkawayan Beach kaya nai-preserve ang malinis nitong kundisyon.

Naging kanlungan ito hindi lamang ng tao, kundi ng hayop at halaman, partikular ang mga pawikang madalas makita sa buhanginan para mangitlog. Dito, ang kasaysayan ay hindi Ang malalaking monumento ng bayani o mga laban sa digmaan, kundi simple kwentong bayang nagpasalin-salin sa mga nagdaang hene­rasyon.

At kahit nga walang maipagmamalaking historical structures o artifacts ang Tagkawayan, ang kasaysayan nila ay nasa puso ng mga tagaroon.

Aneth Santos