Bakawan: Isang sagot sa lumalalang pagbabago ng klima

ni Riza Zuniga

SA tumitinding hagupit ng bagyong tumatama sa Pilipinas, ang bakawan ang isa sa sagot para magbigay proteksyon sa mga tao, tirahan, kabuhayan at pangisdaan. Isang malinaw na kasagutan higit pa sa iniisip na dike o mga pader na balak itayo ng mga namumuno sa mga baybayin sa bansa.

Hanggang ngayon kulang pa rin ang kaalaman ng taumbayan sa proteksyong kayang ibigay ng mga bakawan sa taumbayan. Inihahalintulad lang nila ito sa mga punong malapit sa baybay na pwedeng putulin anumang oras.

Ang bakawan ay may mahalagang papel bilang taga-depensa sa pagitan ng lupa at dagat, taga-sipsip ng carbono, may kontribusyon sa ekonomiya at seguridad sa pagkain, at nagsisilbing tirahan ng mga hayop sa dagat.

Kung magiging matibay ang pagkakaunawa sa halaga ng bakawan sa mga baybayin, isa itong sagot bilang panlaban sa pagbabago ng klima o panahon at pagbagsak o pagkasira ng biodiversity.

May ibang nagbabadyang panganib ang kaya ring labanan ng bakawan katulad ng daluyong-bagyo o storm surge, tsunami, pagtaas ng antas ng tubig at pagguho ng lupa.

Ang malawak na bakawan ay nagsisilbing pader ng dagat, isa sanang magpapabawas sa alalahanin ng mga mamamayan sa lumalalang krisis sa pagbabago ng klima, ngunit ito pa ang nagiging pugad para sa mga naiiwang basura mula sa plastik na sa kalaunan ay magbubunga ng pagkawala ng oksidyen na magiging sanhi naman ng pagkamatay ng mga halamang dagat at hayop.

Hangga’t may nalalabi pang panahon ang mga komunidad na malapit sa baybayin, kailangang buhayin at bigyang puwang ang panunumbalik ng mga bakawan. May mga bakawang wala ng buhay kung kaya’t ang taumbayan ang magsisikap para ibalik ang sigla ng bakawan para sa mga tao, hayop sa dagat at panlaban sa anumang sakunang dadaan sa mga baybay sa Pilipinas.