BAKBAKAN NA, DIGMAAN PA!!!

PUSONG SABUNGERO

MARAHIL ay nagulat kayo sa mga katagang Bakbakan at Digmaan.  Mali kayo sa inyong akala, hindi po ito giyera sa Marawi o Afghanistan kundi ito ay labanan ng mga stags sa buong Filipinas na pinakamalaki, prestihiyoso at pinakamaraming kalahok sa lara­ngan ng sabong sa ating bansa.

Pasabong na umaabot sa halos dalawang buwang labanan ng mga pinakamagagaling na manok sa ating bansa.  Sa promotion lamang ng Bakbakan ay umaabot na sa mahigit  7,000 entries ang sumasali at ang garantiyang papremyo ay P80 million sa magkakampeon.

Upang makasali sa Bakbakan, kailangang ikaw ay miyembro ng isang local association  na affiliated sa National Federation of Gamefowl Breeders na ngayon ay FIGBA na o International  Federation of Gamefowl Breeders Association.  Ang Bakbakan ay promotion o itinatag ng FIGBA noong taong 2001.  Nagsimula sa kakaunting entries ang sumali sa unang taon ng kanyang palaban.  Umabot lamang sa 192 entries sa buong Pilipinas ang naglaban-laban sa Iloilo Coliseum noon.  Taon-taon ay parami nang parami ang mga sumasali sa palabang ito at umabot sa unang isang libong entries ang naitala noong 2006 kung saan ginanap ang finals sa  Araneta Coliseum.

Akala namin ay umabot lamang ng isang libong entries ay matutu­ring na  sa kasaysayan ng sabong sa buong mundo na pinakamalaki at pinakamaraming sabu­ngero ang naglaban-laban sa isang pasabong lamang. Hindi naglaon, taon-taon ay patuloy ang pagdami ng sumasali sa Bakbakan at noong nakalipas na 2017 ay umabot sa higit 7,000 entries ang sumali.  Record breaking na naman po at ang maganda pa riyan ay ang mga kalahok na mula pa sa ibang bansa tulad  ng Marianas Gamefowl Breeders Association  na binubuo ng Saipan, Tinian, Guam at marami pang iba.

Ang Marianas Gamefowl Breeders Association ang kauna-unahang banyagang grupo ng mga sabungero na sumali sa FIGBA o International  Federation of Gamefowl Breeders Association, sa pamumuno ni Ray Roberto.  Ngayon ay binuksan na ng FIGBA  ang pinto para sa iba’t ibang bansa sa buong mundo upang maging miyembro ng FIGBA.  Umabot na po sa 37 local association at isang foreign association ang kasapi sa federation na may humigit-kumulang  sa 5,000 members ang bumubuo nito sa Pilipinas at Marianas Group of Islands.  May mga bansa na rin na nagpapakita ng kanilang kagustuhang maging  bahagi na rin ng FIGBA, tulad ng America, Hawaii, Mexico, Peru at mga karatig-bansa dito sa ASEAN.

Kung pahihintulutan lang na tayo ay ilalagay sa Guinness  Book of World Records o Believe It or Not, wala na sigurong hihigit  pa sa laki at dami ng mga sabungerong naglalaban-laban  nang sabay-sabay sa buong Filipinas. Higit pa riyan ang umaatikabong papremyong P80 milyon garantisado na mapapanalunan sa paderbing ito.  Sa aking karanasan at ng aking makapanayam ang iba’t ibang dayuhang sabu­ngero, ako ay nagulat na sinabi nilang unreal o mahirap paniwalaan na ganyan na pala kalaki ang sabong sa Filipinas.  Walang katulad, ika nga.  Bukod sa ito ay tanggap sa ating lipunan ay milyon-milyong hanapbuhay at nakikinabang sa libangang ito.

Iba na ang sabong ngayon, hindi lamang isang libangan kundi isang makabuluhan  at malaking industriya na tumutulong sa pag-unlad  ng ating  bansa.

Ang Bakbakan ay isa lamang sa napakaraming pasabong na ginaganap halos araw-araw sa bawat sabungan ng ating bansa.  Iba’t ibang estilo, iba’t ibang format at pamamalakad.  Sa huli, panalo ang bayang sabungero dahil sa patuloy na paglago at pagdami ng mga nagpapalahi at mga sumusuporta sa industriyang ito.

Comments are closed.