BAKBAKAN NA, DIGMAAN PA!!!

PUSONG SABUNGERO

Part 3

ANG BAKBAKAN at DIGMAAN ay dalawa lamang na pasabong taon-taon sa buong bansa at sila rin sa buong mundo ang naggagarantiya ng umaabot sa P140 million na papremyo.

Kung pagsasama-samahin ang lahat ng ­premyong ibinibigay sa mga pasabong sa buong bansa ay marahil aabutin ito ng isang bilyong piso o higit pa. Kaya ang industriya ng manok pansabong ay talaga namang masasabing isang sunshine industry. Isang patunay at ma­linaw na indikasyon kung bakit patuloy ang paglago ng sabong sa Filipinas.

Hindi ko malimutan ang mga kataga ni Doyet Lapido nang kanyang sabihin sa akin na ito ang pagkakataong gawin na­ting negosyo ang ­ating bisyo. Nagsimula sa iilang manok si Doyet nang siya ay magsimula, ngayon ay libo-libo na ang kanyang produksiyon at pito na ang kanyang farms. Ang demand sa manok panabong ay palago nang palago dahil na rin sa sinimulan ng BAKBAKAN ang DIGMAAN. Tinatayang halos ISANG MILYONG MANOK ang naisasabong buwan-buwan sa buong kapuluaan at ito ay araw-araw na ring nagaganap sa buong bansa, 365 days kada taon. Wala nang tigil kahit na off season dahil may mga stag derbies na rin na ginaganap tuwing off season o panahon ng taglugon.

Base sa recod ng FIGBA BAKBAKAN, ang cockerels o mga lalaking nalagyan ng wingband ay umabot na sa mahigit kumulang sa 700,000 stags o lala­king manok. Halos 5,000 farms ang pinuntahan upang isa-isang kilatisin kung ang mga sisiw nasa tamang edad bago sila ay lagyan ng wingband. Sa isang banda naman, ang PFGB DIGMAAN ay nagtala ng 641,321 cockerels banded sa 6710 farms sa ilalim ng 44 breeders association at 4 na guest associations. Ginaganap po ang ­banding mula Abril 1 hanggang Abril 15 taon-taon at ito po ay sabay-sabay na pupuntahan ng mga working commitee ng dalawang federation. Napakahirap po ng gawaing ito subalit ito po ay nararapat upang masiguro na patas at marangal ang pasabong na ito.

Ngayon ang Fili­pinas na marahil ang maituturing na MECCA ng cockfigting sa buong mundo at maging ang mga Amerikano ay hanga sa ating narating. Hindi ko makalilimutan ang mga sinabi ni Johnnie Jumper, isang Amerikano na alamat sa sabong nang siya po ay aking kapanayamin sa Sunset, Louisiana, “Noong araw ay talagang daraan sa butas ng karayom ang mga Filipino pagdating sa sabong laban sa mga Amerikano subalit nga­yon ay saludo ako dahil para sa akin ang mga Fi­lipino ang pinakamaga­ling na sabungero sa buong mundo,” mga ka­tagang galing mismo kay Johnnie Jumper nang makita niya ang bilis ng pag-unlad ng sabong sa ating bansa.

Sa susunod na Linggo po ay sasagutin ng inyong lingkod kung ano nga ba ang mga dahilan at ang sabong ngayon ay napakaraming napapahilig at nahuhumaling, hindi lang sa Pinas kundi sa mga karatig nating bansa tulad ng Malaysia, Thailand, Indonesia, ­Vietnam, Cambodia at iba pa.

Comments are closed.