BAKBAKAN NA SA NCAA

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
11 a.m. – Opening Ceremony
3:30 p.m. – EAC vs Arellano
6 p.m. – Mapua vs San Beda

WALANG problema kay coach Cholo Martin kung ang makakaharap ng Arellano University ay ang Emilio Aguinaldo College sa pagbubukas ng NCAA men’s basketball tournament.

Ang Letran sana ang magbubukas ng aksiyon kontra season hosts ngayong araw sa Smart Araneta Coliseum, ngunit kailangang maghintay ng defending two-time champions ng ilang araw para sa kanilang debut dahil sa health at safety protocols.

Maaaring napaaga ang season opener ng Chiefs, ngunit naniniwala si Martin na nakahanda ang kanyang tropa sa 3:30 p.m. duel sa Generals sa kabila ng mga pangyayari.

“Parehas lang, regular lang, hindi ba?,” sabi ni Martin. “Lahat naman, lalabanan mo. Wala namang bago doon. Nagkataon lang na mauuna na naming kalaban ang EAC. But we are preparing for San Sebastian dapat. So parehas lang ang preparations, walang pagbabago.”

“We played against EAC in the preseason. A little adjustment lang,” dagdag pa niya.

Kasado na ang iskedul, dalawang buwan na ang nakalilipas, kung saan makakaharap ng Generals ang Knights alinsunod sa traditional defending champion-season host opening day match ng liga.

“Biggest adjustment is the scouting report. Last week, nagpre-prepare na kami against Letran. We were all excited about the game this Saturday,” sabi ni EAC coach Oliver Bunyi.

Ngayong ang Chiefs ang kanilang makakalaban, nakatuon ang Generals sa kung paano haharapin ang mga bagay-bagay, lalo na’t lalaro sila sa opening day sa unang pagkakataon magmula nang lumahok sa NCAA noong 2009.

“We are hoping na siyempre every first game, may opening day jitters. Hopefully, yung mga opening day jitters ng mga players, for a while lang,” ani Bunyi.

Handa nang mag-move on ang Arellano, na huling nakapasok sa Final Four noong 2016, na wala si Justin Arana, na napantayan ang league record na 29 rebounds noong nakaraang season, sa pamamagitan nina bagong recruits Cade Flores, Wilmar Oftana at transferee Shane Menina.

Sasandal naman ang Generals kina Allen Liwag, Ralph Robin at Kriss Gurtiza sa pag-asang makamit ang breakthrough Final Four stint.

Magsasalpukan naman ang Mapua at San Beda sa rematch ng last season’s Final Four sa main game sa alas-6 ng gabi.

Pinutol ng Cardinals ang 14 sunod na Finals appearances ng Red Lions noong nakaraang Mayo.

Ito ang nag-udyok sa pagpapalit ng coach ng San Beda, kung saan humalili si youthful Yuri Escueta kay Boyet Fernandez para sa hangarin ng Mendiola-based squad na mabawi ang dati nitong glorya.

“Aside from focusing on Mapua, we have to focus on ourselves,” sabi ni Escueta. “Hopefully it will be an exciting and competitive ball game come Saturday.”