(Bakbakan sa Governorship sa Masbate) KHO VS. TUASON SA MAY 2025 POLLS

UMARANGKADA na ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato sa iba’t-ibang posisyon sa lalawigan ng Masbate simula Oktubre 1.

Ayon sa Comelec-Masbate, una ng nagsumite ng kaniyang COC si 1st District Rep. Richard Kho nitong Oktubre 2 bilang opisyal na pambato ng Lakas CMD sa pagka-gobernador ng lalawigan.

Si Kho ay sinusuportahan ng mayorya ng mga Mayor, Vice Mayor, Sangguniang Bayan Members at Barangay officials ng 20 bayan at isang syudad ng Masbate.

Kasama ni Rep. Kho na nagsumite rin ng kaniyang COC si incumbent at last termer Governor Antonio Kho na tatakbong kongresista ng Unang Distrito.

Sasabak rin sa pagkakongresista ng ikalawang distrito si Vice Governor Olga Kho habang re-electionist naman si Rep. Wilton Kho at kandidato si 2nd District Rep. Ara Olga Kho bilang alkalde ng Masbate City katuwang ang kanyang tinawag na ‘dream team’ ng mga tatakbong Vice Mayor at Sangguniang Panlungsod members.

Nagsumite na rin ng kaniyang COC ang  running mate ni Kho na si Esperanza Mayor at LMP President Fernando Talisic bilang aspirante sa pagka-Vice Governor.

Nabatid na nagpasa na ng kani-kanilang mga COC’s ang mga incumbent Sangguniang Panlalawigan members sa buong probinsya.

Samantala, nag-file na rin ng kaniyang COC si Masbate City Mayor Socrates Tuason nitong Oktubre 4 sa posisyon ng gobernador.

Kasama ni Tuason ang hinakot na kaniyang mga tagasuportang city hall employees, youth scholars, TODA drivers, Barangay officials maging ang mga residente sa kanyang lugar sa nasabing pagsusumite ng dokumento sa Comelec.

Tatakbong 2nd District representative ang nakababatang kapatid ni Tuason at susubukan nina City Councilor Ruby Sanchez-Morano at Jamon Espares na sungkitin ang Mayoralty at Vice mayoralty position sa Masbate City sa 2025 polls.

RUBEN FUENTES