‘BAKBAKAN SA ILOCOS SUR’ SA SABADO NA

WALA nang atrasan sa pagdaraos ng 2022 ‘Bakbakan sa Ilocos Sur’ Pro Boxing at Professional Muay Thai and MMA Tournament sa Elorde Boxing Gym sa Quirino Stadium Bantay, Ilocos Sur sa Sabado, Pebrero 12.

Sa pagtataguyod ng Gov. Ryan Singson Sports at ng lalawigan ng Ilocos Sur, sa promosyon ng  Elorde  Boxing Stable Promotions, tampok sa maaksiyong12-fight program ang duelo sa pagitan nina Al Toyogon at Joe Tejones.

“Mahigpit po naming ipinatupad ang health protocols dito sa probinsya ng Ilocos Sur sa pangunguna ni Gov.  Ryan Singson. Pagdating ng mga atleta agad silang  sumailalim sa quarantine sa Quirino Stadium para masiguro natin ang kanilang kaligtasan at kalusugan pagsapit ng fight  day, “ pahayag ni Marius Cabudol, ang Provincial Sports Coordinator ng lalawigan.

Pakaaabangan din ang salpukan nina Jules Victoriano at Dave Barlas;  Ranelio Duizo vs Philip Cuerdo;  Melvin Mananquil vs Reymark Alicaba;  Aljun Peliseo vs Fernan Agencia;  Bryan Tamayo vs Ardel Romasasa;  Gary Tamayo vs Jeffrey Francisco; Jover Amistoso vs Justine Polido;  Jonniel Laurente vs Jufel Salina;  Elmar Zamora vs Carl Jeffrey Basil;  Alexander Almacen vs Benson Awidan;  Ali Canega  vs Menard Abila;  at Jhay Ar Jr Corotan kontra Josaphat Navarro.

“Nag-undergo muna sa bubble for 1 week ang mga participant and trainer. Naka-bubble na po sila dito sa Quirino Stadium dorm starting Feb 4, tapos  lahat po ng nsg-RT PCR,” pahayag naman ni boxing in-charge official  Vanessa Nunez.

Nakatakda ang weigh in ng mga kalahok ngayong Biyernes para sa programa na itinataguyod din ng Kawadan,  RLVS,  Fairtex,  at Lightwater.

Sa pro Muay Thai and MMA, ibabalandra nina Adrian Jay Batoto at Mark Joseph  Abrillo ang kanilang gilas, gayundin sina Florivic Montero at Mary Glyde Elizabeth, Pro MMA (49kg) ; Richard  Lachica vs Daryl Mayormita,  Pro MMA, (63kg.); at Rosemarie Recto vs Gretel Depaz Pro Muay Thai (130lbs).

“Dahil may pandemya pa istrikto tayo sa ‘safety and health’ protocold para maituloy natin ang palaro ng sa ganoon ay matulungan natin ang mga atleta at sports, gayundin ang ating mga kababayang mahilig sa sports. Sanctioned and under supervision po tayo ng Games and Amusement Board  (GAB) at ang main organizer po ay ang Elorde  Manila,” sambit ni Marius, kumpiyansa na magiging matagumpay ang pagdaraos ng torneo.EDWIN ROLLON