BAKBAKAN VS NPA: MGA ARMAS NASABAT

MASBATE CITY-PATAY ang hindi pa nakilalang kasapi ng New People’s Army matapos makipagbakbakan ang grupo nito sa pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar nitong Huwebes ng umaga sa Barangay Eastern Capsay,Baleno ng lalawigang ito.

Sa ulat ni Masbate Police Provincial Director Col.Joriz Cantoria,isang hot pursuit operation ang isinagawa ng tropa ng gobyerno sa nasabing lugar nang makasagupa nito ang 15 rebelde na pinamumunuan ng isang Ka Jesmar kung saan umabot ng isang oras ang putukan.

Nasamsam sa lugar ng sagupaan ang ilang kagamitan na iniwan ng mga tumakas na rebelde kabilang ang IEDs, cash na P15,000, kagamitang medikal at mga subersibong dokumento.

Kasunod nito, bandang ala-5:40 ng umaga nang makasagupa naman ng PNP at Army sa ilalim ng pamumuno ni PMajor Nicolas Malipot Jr. at 1Lt.Jefferson Borley ang 60 miyembro ng NPA sa Sitio Refil,Barangay Bat-ongan,Mandaon.

Nabatid na tinutugis ng tropa ng gobyerno ang mga rebeldeng pinamumunuan ng isang Eddie/Arnold Rosero alyas Ka Star nang makaengkuwentro ang mga ito at narekober mula sa kanila ang dalawang M-16 rifle,iba pang baril at bala,pampasabog,damit,bigas at iba pang kagamitan.

Inilunsad ang magkakasunod na operasyon laban sa grupo ng mga rebelde sa Masbate makaraang pagbabarilin ang isang Barangay Kagawad at Tanod sa Cabas-an, Aroroy noong Martes.

Agad na ipinadala ni Bicol PNP Director BGen.Bartolome Bustamante sa lalawigan ang tropa ng Regional Mobile Force Battallion bilang dagdag puwersa sa patuloy na isinasagawang pagtugis sa tumakas na iba pang kasapi ng NPA. NORMAN LAURIO

Comments are closed.