BAKBAKANG UMAATIKABO SA PVL ALL-PINOY CONFERENCE

PVL

Mga laro sa Sabado:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – Akari vs Choco Mucho
6 p.m. – Creamline vs PetroGazz

SA ikutan ng mga player at coach sa off-season, asahan ang umaatikabong bakbakan sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference na magbubukas sa Sabado, Peb. 4, sa Smart Araneta Coliseum.

“The teams have recruited players to strengthen their line-up so we expect a really good All-Filipino Conference this time around,” wika ni Ricky Palou sa season launch kahapon.

Isa sa mga koponan na nagsagawa ng major moves bago ang season-opening tournament ay ang Choco Mucho.

“We have a new coach, we’re very excited to integrate his system.” sabi ni Bea de Leon, team captain ng Flying Titans.

Si Dante Alinsunurin, ang sikat na men’s volleyball mentor mula sa National University, ang gumagabay ngayon sa Choco Mucho, isa sa mga koponan na nagpalit ng coach para sa third season ng PVL bilang isang professional league.

Sa pagbabalik ni coach Aaron Velez, nangako si Mylene Paat ng Chery Tiggo ng mas maganda ang kanilang ipakikita matapos mabigo ang 2021 Open Conference champions na gumawa ng ingay noong nakaraang season.

“Magpe-perform talaga kami ng mas higit pa doon sa last conference,” sabi ni Paat.

Galing sa respectable debut sa Reinforced Conference, nais ng Akari na mas malayo ang marating ngayong season sa pagkuha sa serbisyo ni Dindin Santiago-Manabat para palakasin ang kanilang opensiba.

Matapos ang mahabang stint sa Crossovers, si Santiago-Manabat ay magkakaroon ng bagong simula sa Chargers.

“We at Akari are very excited po, especially with our new additions.” ani skipper Michelle Cobb.

Ang Black Mamba-Army ay galing sa winless conference at umaasang makapagsisimula ng bago sa ilalim ni coach Randy Fallorina.

“Siyempre, coming from new coaches kami, new system so excited kami sa pagbabago sa team namin,” sabi ni Lady Troopers captain Audrey Paran.

Nagpahayag naman ng pagkasabik ang Reinforced Conference champions PetroGazz sa ilalim ni bagong coach Oliver Almadro.

Dating mula sa Flying Titans, si Almadro ay itinalaga sa kaagahan ng buwan kung saan target ng Angels na magpatuloy bilang isa sa elite teams sa liga. Pinalitan ni Almadro si Rald Ricafort, na gagabay ngayon sa PLDT.

“Siguro, since bago ‘yung coaches, bagong system din. Excited yung team namin for this conference and we will do our best pa rin,” wika ni long-time PetroGazz skipper Chie Saet.

Umaasa naman si Aby Maraño na kikinang ang F2 Logistics sa ilalim ni bagong coach Regine Diego kasama si Myla Pablo bilang pinakamalaking acquisition nito sa off-season.

“In terms of our core, nandito pa rin ‘yung core ng team namin which is very important for us,” ayon kay Maraño.

CLYDE MARIANO