BAKET BELL-KENZ ANG PINUPUNTIRYA MO, DOC LEACHON? BAKET

MADALAS, taong gobyerno o public figure o pribadong tao o kompanya ang nagsasampa ng kasong libel at cyber-libel sa tulad naming journalist, pero this time, isang health advocate ang kinasuhan.

Tinutukoy natin ay si Dr. Tony Leachon, isang kilalang health reform advocate na noong panahon ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte ay pinuna ang policy ng noon ni Health Sec. Francisco Duque re: Covid-19 pandemic.

Ngayon, nasa hot seat kumbaga si Doc Tony, kasi nga, very damaging, talagang nakasisira sa dangal at reputasyon ng isang pharma company ang ipinost niya sa social media platform na X (dating Twitter).

Mas mabigat ang parusa kung ma-convict sa cyber libel kasi online ito, at kung hindi mabubura, continuing crime ito sa reputasyon at honor ng isang tao o organisasyon.

Imagine, ang kasiraan ay nakakalat sa buong kalawakan ng himpapawid, at talagang grabe ito, lalo na kung talagang paninira lamang, yung totoong malisyoso ang ikinalat na balita, pahayag o kahit tweet o munting vlog sa social media.

E, sino nga ang matutuwa na isang public official, isang cabinet member pa ang masusumpungan –ayon sa Bell-Kenz Pharma, Inc. — ang nagkakalat sa cyber space ng paninira.

Kaya, sinampahan si Doc Tony ng Bell-Kenz Pharma Inc. at iniimbetigahan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kinalat online na “malicious, reckless, and baseless” accusations.

Mabigat ito, kasi, ang burden of proof ay nasa balikat ni Doc Tony na sabihin na itong Bell-Kenz ay ano raw, sangkot sa a “unethical practices.”

Aba, hindi biro ang ipinuhunan ng Bell-Kenz para makilala bilang isang pharma company.
Bilyones pesos ang ipinuhunan ng Bell-Kenz at basta na lang sisiraan at ikakalat sa social media na sangkot sa multi-level marketing at pyramiding schemes.

At mabigat pa, sa ikinalat ni Doc Tony sa social media platform na X, nag-aalok daw ang Bell-Kenz ng mahirap tanggihang incentives sa mga doktor upang ang gamot ng pharma na ito ang bilhin ng mga ospital at ireseta sa kanilang mga pasyente.

Ang matindi, parang tsismis lang ang pinagkuhanan ni Doc Leachon ng akusasyon niya versus Bell-Kenz, kasi sinabi lang sa kanya ng ilang “whistleblowers” — na ang motibo ay kwestiyonable.

Kung walang personal knowledge si Leachon sa sinasabing pryramiding at multi-level marketing ng kompanya, ano ang labas nito, maliwanag na hearsay, tsismis, at kung walang basehan, malicious nga.

At pag ang nag-aakusa ay taong gobyerno, lalo at tsismis lang iyon, kung hearsay lang, aba, may elemento ito ng “actual malice” ayon sa batas at sa Revised Penal Code.

Mabigat kung may “actual malice” nga ang paratang ni Doc Leachon, na sabi nga sa NBI ni Bell-Kenz Corporate Secretary Atty. Joseph Vincent Go ay walang basehan, walang katotohanan at ang intensiyon ay siraan lamang, wasakin ang reputasyon ng kanilang pharmaceutical company.

Matinding kasiraan ito, sabi ni Atty. Go, kasi ang magiging epekto nito ay kawalan ng tiwala ng health community sa Bell-Kenz at kasama sa siniraan ng reputasyon ay ang mga doktor na mas pinipili na ireseta ang gamot na gawa ng Bell-Kenz — ayon sa nalaman natin, ito pala ay less expensive ng 30% sa ibang gamot.

Bukod sa cyber-libel, sabi ni Atty. Go, naghahanda pa ang Bell-Kenz na sampahan ng ibang kaso si Dr Leachon, kasi nga, sobrang matindi ang epekto ng paratang nito na wala raw basehan.

Pero depensa ni Doc Tony, ang ipinost niya ay isang matter of public concern at nakataya ang buhay ng mamamayang Pilipino, well, may katwiran naman siya,

Pero anoman ang sabihin ni Sec. Leachon, sabi ni Atty. Go na anytime, ready ang Bell-Kenz na humarap sa anomang imbestigasyon, sa Senado, sa Kamara at maging sa korte o sa anomang government health regulatory bodies.

What they want, wag idaan sa public trial ang gagawing imbestigasyon, at bigyan sila ng fair, maayos at ng patas na pagtrato.

Maalaala kasi ang nangyaring imbestigasyon noon sa Senado na ginawa ni dating Sen. Dick Gordon versus sa Philhealth officials at ilang pharma company.

Tratong kriminal ang ipinatawag na resource person at ikinulong pa, hayun, alam na natin ang nangyari sa reelection bid ni Gordon.

At ito ang hiling ng Bell-Kenz sa NBI na burahin sa social media ang lahat “damaging posts” laban sa Bell-Kenz na sabi nga ni Atty. Go, malisyoso at walang batayan, hearsay at totoong mapanirang puri sa mga opisyal ng kompanya at sa mga doktor.

Teka, itong paratang na multi-level marketing (MLM) scheme at pyramiding ay kailangan ang involvement ng maraming tao na kailangang i-recruit para kumuha at umakit ng maraming supporter.

E, ang Bell-Kenz ay nagbebenta ng pharmaceutical product, at hindi sila nagre-recruit ng mga tao!

Oo nga naman, saan kaya pumapasok dito ang MLM at pyramiding, naitatanong ko lang.

Teka, itong pagbibigay ng “incentives” ay bahagi ng marketing at promosyon ng mga kompanya, kaya hindi na ito bago sa pagnenegosyo.

Kasama ang pagreregalo ng trip abroad at iba pang incentives ay bahagi ng strategy ng mga big companies, at kung ang mga ito ay gumawa ng ganito, sa paniniwala ba nyo, MLM at pyramiding iyon?

Kahit ang gobyerno ay nagbibigay ng ganitong incentives, pabuya, regalo sa mga stakeholders upang maiparating sa taumbayan ang lahat ng proyekto, information for good governance.

Siguro, ginagawa rin ito ng DOH, maitanong ko lang kay Doc Leachon.

Pwedeng sabihin, ito ay “unethical”, palawakin na ang gagawing imbestigasyon at hindi lamang Bell Kenz ang ipatawag, maging ang pharmaceutical companies, ipasiyasat na rin, para fair, patas at parehas.

Giit pa ni Doc Leachon, ang nagmamay-ari ng Bell-Kenz ay mga doktor, e ano ang bago rito, e alam naman natin na maraming ospital, testing centers, drug stores at iba pang katulad ay pag-aari ng mga magkakatropang doktor, narses at iba pang nasa propesyong medikal.

Siyempre, kailangan na doktor ang magmay-ari kasi maselan ang pagpapatakbo ng pharma o ng ospital lalo na at hindi biro ang kapital na pera at nakataya ang honor at reputasyon nila.

Kaya itong sinasabi ni Doc Tony, masasabing ito ay walang kuwenta, isang “non issue.”.

Well, nasa pagsusuri na lamang ng piskalya at sa NBI investigation kung papasok nga sa cyber-libel ang ikinaso kay Doc Tony, pero ang tanong, e bakit daw lang itong Bell-Kenz ang pinupuntirya ng ating health secretary?

Bakit nga kaya, bakit nga po, Doc?

Ay baka “friends” niya ang ibang pharma company, ito ay naiisip ko lang naman, ha?
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].