TOTOO. Matindi ang trapik noong nakaraang linggo sa halos kabuuan ng Metro Manila, partikular sa EDSA. Marami ang apektado. Halos mahigit apat na oras ang inabot ng mga motorista at komyuter sa lansangan mula Makati hanggang QC at ganoon din pabalik.
Pinagpiyestahan ng media at ilang mga politiko ang nangyaring ‘carmageddon’ noong nakaraang linggo. Dagdag pa sa matinding trapik ang matinding ulan na dulot ng hanging Habagat, at ang kalituhan sa TRO o temporary restraining order ng ibinaba ng korte laban sa pagpapatupad ng provincial bus ban.
Nagpatawag ang Senado ng pagdinig tungkol sa nangyaring indulto at imbudo sa trapik sa EDSA. Marami ang nagbigay ng kani-kanilang panukala upang masolusyunan ang nasabing problema ng ating lipunan.
Sinisisi ang MMDA dahil wala raw sapat na preparasyon sa planong provincial bus ban. May nagsabi na bakit daw pinupuntirya ang provincial bus imbes na pagtuunan ang enforcement ng mga batas-trapiko. May nagsasabi rin na masyado nang marami ang mga sasakyan na tumatako sa ating mga lungsod. May nagpanukala rin na mas mabuting bigyan ng importansiya ang kapakanan ng mga komyuter imbes na ipasara ang mga terminal ng bus na nag-o-operate sa kahabaan ng EDSA.
Ang daming panukala ngunit kulang naman sa suporta. Kaya ang kawawang ahensiya ng MMDA ang tumatanggap ng batikos at kritisismo mula sa mga politiko at ilan sa ating publiko. Tama ang sinabi ng MMDA general manager na si Jojo Garcia. Hindi naman sila ang nagpasimuno ng pagtatanggal ng mga provincial bus terminal sa EDSA. Hindi rin sila ang nagpasimuno sa pagtatayo ng malalaking bus terminals sa labas ng Metro Manila kung saan doon lamang titigil ang mga provincial bus upang magbaba at magsakay ng mga pasahero mula sa lalawigan.
Programa ito ng nakaraang administrasyon na ipinatutupad lamang ng MMDA. Dagdag pa rito, ayon sa charter ng MMDA, ay tagapagpatupad lamang sila ng mga alituntunin at kasunduan ng mga bumubuo ng Metro Manila Council. Ito ang mga mayor sa Metro Manila. Kaya hindi ba ninyo napapansin na ang number coding ng MMDA ay hindi sinusunod ng lungsod ng Makati at Las Piñas? May sarili silang ordinansa sa number coding.
Ang sa akin lamang ay imbes na magpasikat ang ilan sa ating mga politiko na ginagamit ang umano’y kamalian ng MMDA, suportahan na lang nila tulad ng pagsuporta ng MMDA sa kautusan ng DILG upang linisin ang ang mga lansangan sa Metro Manila.
Pati ang dating MMDA chairman at ngayon ay mambabatas na si Rep. Bayani Fernando ay sumawsaw na rin sa isyu. Kung tatanungin ko kayo, naramdaman ba natin ang kaginhawaan ng daloy ng trapiko noong panahon niya? Si Sen. Tolentino na dati ring chairman ng nasabing ahensiya, naayos ba niya ang problema sa trapik?
Hindi ko sila binabatikos. Ang nais ko lamang na ipaliwanag dito ay namana lamang itong mabigat na suliranin ng kasalukuyang nagpapatako ng MMDA. Hindi nila pinalala ang sitwasyon. Naghahanap sila nga solusyon hanggang hindi pa natatapos ang mga malalaking proyektong pang-imprastraktura tulad ng MRT-7, subway, mga karagdagang tulay na mag-uugnay sa Pasig, Mandaluyong at Makati. Ang interconnector road, CALAEX at iba pang mga impraestruktura na nakaprogramang gawin.
Samantala, magpokus tayo sa Kongreso, LGUs, DOTC, DTI, DOF, DPWH at NEDA kung papaano nila mababawasan ang mga sasakyan sa ating bansa. Gumawa sila ng mga polisiya upang mapaisip ang ating mga mamamayan kung kailangang bumili ng dagdag na sasakyan. Higpitan ang requirements bago makabili ng sasakyan. Magtayo ng mga recycling plant na kukuha sa mga luma at bulok na sasakyan at i-recycle ito. Taasan ang bayad ng insurance kapag nais ipanatili ang mga lumang sasakyan. Higpitan ng LTO at LTFRB sa pagrerehistro ng lumang sasakyan. Ipagpatuloy ang paglilinis sa mga lansangan ng mga ilegal na nakaparadang sasakyan.
Marami sa mga problema sa trapik, ang susi ay nasa mga ahensiya na aking nabanggit. Sakop ba ng MMDA ang mga kapangyarihang ito? Hindi! Kaya huwag MMDA lamang ang sisihin sa problema ng trapik. Utang na loob po!
Comments are closed.