BAKIT ‘DI GUMALAW ANG PONDO SA 4Ps?

rey briones

NAKABABAHALA, Suki!

Ang mga inutil sa gabinete ni Boss Digong.

Bakit?

O, heto ang sampol:

P1.3 bilyon ang inamag sa tresorero ng gobyerno nu’ng nakaraang taon.

Ayon ‘yan sa Commission on Audit.

Puwedeng sabihin na nabigo ang gobyerno sa pagtulong sa mahihirap.

Puwede rin, Suki, na sadyang hindi nagpursigi ang maralitang pamilya na makuha ang pondong inilaan para sa kanila.

Alin man sa dalawa ang dahilan kung bakit nakatengga lang ang bilyong-pisong pondong inilaan para sa 4Ps, o Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ay senyales na rin ng pagi­ging inutil ng DSWD na maibuhos sa galaw ng ­eko­­nomiya ang naturang salapi.

Opinyon ko lang, ‘yan, Suki.

oOo

Ang tanong: Sino ang dapat sisihin, ha?

Sino ang dapat managot kung ang mahigit bilyong-pisong pondo ay hindi nakarating sa dapat paratingan?

At ano nga ba ang rason, Suki, kung bakit hindi naidistribyut ang sobrang laki ng pondo na dapat sana’y umayuda sa kakayahan ng maralitang sektor na tustusan ang kanilang pangangailangan?

Saksi ako, Suki, sa lalawigan kong mahal kung paano napagagalaw ng 4Ps funds ang merkado sa aming maliit na pamayanan.

Kahit ‘yong mga kuping na sandok na gawa sa yero, kalawangin nang pinggan at kutsara at maging lumang paninda, ‘tulad ng tsinelas at damit-pambata sa tiyangge ng barangay, ay nabibili pa rin tuwing “pay day ng 4Ps.”

‘Wag na nga lang isipin, Suki, ang abuso ng 4Ps beneficiaries sa kanilang biyaya.

‘Tulad ng tagay-tagay ng mga lasenggong tatay at ang magdamagang tong-its ng mga nanay pagkatapos matanggap ang kanilang pera.

Ayon sa kanila ay kaunting ligaya naman daw sa naghihikahos na buhay. Ho-hum!

oOo

Para sa akin ay nararapat lamang na rebisahin ng Malakanyang ang latag ng pondo ng 4Ps upang matiyak kung walang korapsiyon sa bilyon-bilyong pisong biyaya para sa mahihirap.

O kaya’y walang incompetent na opisyal na nakasalampak sa nasabing programa.

Comments are closed.