HINDI bola ang pagiging mahirap ni Yorme Isko: bukas na aklat ang buhay basurero niya sa Tondo.
Naranasan niya ang humapdi ang sikmura sa gutom at upang kahit paano ay mabusog, naghalungkat siya ng mga tirang pagkain at namulot ng basura para may konting barya.
Sanay siyang magbanat ng buto at magpatulo ng pawis at nabuhay siya na tulad ng karaniwang pamilyang mahihirap.
Hindi niya sinisi ang kargador na amang si Joaquin at labandera at utusang nanay Rosario Moreno Domagoso.
Katwiran niya, hindi malas ang maging mahirap; pero malaking malas kung sa pagiging tamad at hindi masikap ay manatiling dugyot ang buhay.
Kaya nang gumaan ang buhay sa showbiz, nagsumikap siya na mag-aral, nagpakahusay sa politika hanggang matupad ang mga pangarap.
Alam niya ang karanasan ng isang mahirap na pamilyang iskwater na walang sariling bahay, walang tiyak na trabaho at walang magandang buhay na maaasahan.
Kaya, nagpatayo siya ng maraming pabahay, tatlong condominium para sa dugyot na probinsiyanong naakit dumayo sa Maynila na ang nasumpungan ay buhay iskwater.
Kahit paano, napanatag ang buhay ng mahihirap dahil may sariling tahanan na sa maliit na hulog kada buwan, ang pamilyang dugyot ay hindi na matatakot sa peligro ng buhay sa panahon ng kalamidad, bagyo at lindol.
Problema ang pagkakasakit, mabilis na ayudang gamot at ospital sa mahihirap; salaping pandugtong buhay sa panganib ng gutom dala ng pandemya, iyon ay mabilis na naibigay ni Isko sa Manilenyo.
Mga gamit na cellphone, tablet, gadget na may kasama pang libreng wifi at pagkain ang natatamo ng mga batang Maynila sa ipinaayos na paaralang publiko.
May allowances pa ang mga batang Maynila, pati ang mga senior citizen ay may buwanang “pensiyon” sa gamot at pagkain.
Welcome sa libreng aral sa kolehiyo at unibersidad sa Maynila ang kahit mga taga-ibang lugar basta makapapasa sa requirement.
May ganito bang polisiya ang ibang bayan at siyudad sa labas ng Maynila, wala, wala yata.
Mga kalye sa Maynila na sagabal sa daanan ng motorista at mga tao, ipinalinis at ipinaayos niya.
Kahit barangay hall na nakalawit sa bangketa at kalsada, ipinagiba niya para ligtas na madaanan ng tao.
Mga tiwaling opisyal sa pamahalaang lungsod, agad niyang sinususpinde o kaya ay inaalis sa trabaho kahit kaibigan pa sila at kaalyado.
o0o
Saan sa Metro Manila may maganda at magarang sementeryo sa mga kapatid nating Muslim, wala, wala yata pero mayroon sa Maynila.
Yan Lacson Underpass na ginawang pugad ng negosyo at tambayan ng mga pasaway, nalinis na at isang magandang museo sa siyudad.
Pinaganda niya ang mga parke tulad ng Mehan Garden, ang monumento ni Gat Andres Bonifacio at ipinaayos ang mga tulay tulad ng Jones at Quezon Bridge.
Ang tanging kagubatan sa Lungsod – ang Arroceros Park ay pinagaganda nang husto, may water fountain, kongkretong daanan, palaruan at maaliwalas na pasyalan at sinigurado ni Yorme Isko na pangangalagaan, babantayan at payayamanin pa ang santuwaryo ng mga ilap na hayop at mga ibon doon.
Walang ipapaputol na punongkahoy at sa halip, magtatanim pa ng maraming punongkahoy upang ito ay manatiling pagkukuhanan ng sariwang hangin sa mapolusyong Maynila.
Mahusay na serbisyo sa cityhall, at maluwag na pautang sa mga maliliit na negosyante na tinamaan ng perwisyong pandemyang COVID.
May plano na rin si Yorme para mapasigla ang turismo sa bansa at pagbuhay sa maraming industriya na sinira at pinatay ng krisis sa ekonomya.
Food security ang pinaghahandaan niya kung siya at si Doc Willie Ong ang mananalong pangulo at pangalawang pangulo sa 2022.
Todong suporta sa sektor ng magsasaka at mangingisda: libreng ayuda at bayad sa mga pininsalang pananim kapag may kalamidad; tulong na salaping pambili ng makinaryang pambukid; pagtatayo ng cold storage facilities para maimbak at mapanatiling sariwa ang mga huling isda at imbakan ng sobrang ani nang maging pera sa panahon ng kakapusan ng produktong bukid.
Pagtuturo ng makabagong siyensiya sa masaganang ani at pagpaparami ng alagaing hayop tulad ng manok, baboy, baka at palaisdaan.
Unang gagawin niya kung siya ang presidente, maglalabas siya ng isang executive order upang mahinto ang walang tigil na pagbebenta ng mayamang lupang agrikultura para gawing residential homes, subdivision at iba pang gamit sa lupa.
Ipaaayos niya ang klasipikasyon ng mga lupa para sa gamit sa negosyo, mga lupang angkop sa iba pang impraestruktura para sa mabilis na pag-usad ng kabuhayan.
Gagawin niya ito, sabi ni Yorme Isko, kahit pa maging kalaban niya ang mga oligarko.
o0o
Igigiit niya ang karapatan ng bansa sa teritoryong inaagaw ng China sa West Philippine Sea.
Gagawa si Isko ng paraan upang maakit ang ibang bansa na suportahan ang Pilipinas para maiayos ang gusot sa malayang pangingisda sa teritoryong sinasakop ng China sa teritoryong sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas, ayon sa matagumpay na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague.
Iiwas siya sa digmaan sa China pero kung kailangan na manindigan, gagawin niya nang buong tapang, sabi ni Yorme Isko.
Atin ang WPS, at ito ay ipaglalaban niya at kung siya ang pangulo, ipaparada niya ang lakas militar ng Navy at Coast Guard upang protektahan ang mangingisdang Pilipino.
Gagawin niya ang lahat ng makakaya, pangako ni Isko na mapaupo sa isang usapang maginoo at mapayapa ang China para magkaroon ng pantay na karapatang mangisda sa karagatan na nasasakop ng pinag-aawayang WPS.
Igigiit niya ang tulong militar ng US sakaling kailangan, ayon sa Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Amerika, ito ay kung sadyang kailangan na.
Tao, kabuhayan, kalusugan, edukasyon, dignidad at payapang buhay sa gitna ng pandemya ang iniaalok ni Yorme Isko.
Sana ay samahan siya, pakiusap niya, para sa iisang bansa, iisang diwa para sa magandang Pilipinas sa susunod na anim na taon.
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].