HINDI na bago na dumugin, laging pinagkakaguluhan ng mga tao ang pamiting, o “Listening Tour” ni Aksyon Demokratiko presidential candidate Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.
Kasi nga, nakapagbibigay siya ng pag-asa, napapasigla ng mga mensahe niya ang tao na sa kabila ng dinaranas na hirap sa buhay, lalo na ngayong pandemya, hindi magtatagal, kahit paunti-unti, gagaan, maiibsan kahit paano ang bigat ng dalahin sa buhay.
Recently sa Naic, isang coastal at agricultural town sa Cavite, napuno ng tao ang plasa malapit sa lumang munisipyo at matandang simbahan, hanggang sa may Balsahan na bagsakan ng isda.
Narinig ni Yorme Isko ang daing ng mga magsasaka: kayod sila nang kayod, kahit kaunti lang ang kita at minsan ay luging-lugi pa dahil sa bagsak presyo ang palay, at hindi makalaban sa dagsang murang imported na sibuyas, carrots, bawang at iba pang gulay, wala silang magagawa, dahil iyon lang ang alam nilang trabaho.
Ang mga mangingisda, kailangang dumayo pa sa malalayong dagat ng Batangas, hanggang sa Quezon province at Bicol para makapangisda para makahuli nang marami-rami.
Paano, halos ubos na ang isda sa karagatan ng Cavite, dagdag ang malaking gastos sa gasolina at mahal na mga gamit sa pangingisda at korap na bantay dagat na hinuhuli sila sa mga gawa-gawang paglabag sa Fisheries Code.
Nang marinig nila ang naiisip na solusyon ni Yorme Isko, naisip ng mga magsasaka at mangingisda, may isa palang kandidatong nakakaisip na bigyan sila ng proteksiyon at tulong upang mapagaan ang gastusin sa bukid at pangingisda.
Gusto nila ang 50% na kaltas sa excise tax ng langis at koryente; sana nga ay mabawasan ang presyo ng pataba, pesticides at makontrol ang walang habas na importasyon ng isda, mga gulay at bigas at ang karneng baboy at manok, kasi malaking tulong at tipid ito sa kanilang pagpapagod.
Kung walang bumabahang murang imported products, kung mababawasan ang gastos nila, malaki ang tsansa na kumita sila at gumaan ang buhay, hindi tulad ngayon, talo ang pagod nila, kasi mas binibili ang imported na gulay at bigas, isda at karneng baboy at manok.
Dahil bagsak-presyo, hindi nila maibenta ang kanilang mga ani o kung maibenta man ay palugi, at sila na nag-aani ng bigas at nangingisda ang walang maiuwing pagkain at pera sa kanilang pamilya!
Gusto nila ang pangako ni Yorme: hihigpitan niya ang importasyon; malaki ang matitipid ng tao sa bawas na presyo ng gasolina at koryente at ng pataba at ng pesticides at wala ang kakompetensyang imported products mula sa China Vietnam, Thailand.
Ang pag-asa at pangakong iniwan ni Yorme Isko sa Naic ay malugod na tinanggap ng mga Cavitenyo, tulad ng mga taong binisita ng tropang Aksiyon Demokratiko sa Tarlac, Pangasinan, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cabuyao, San Pablo, Calamba sa Laguna, Quezon Province; sa Oriental Mindoro, sa Cebu at sa Central Visayas.
Sa mga “Listening Tour”, natutuwa ang mga tao sa ibinibigay na livelihood projects, mga seminar at kaalamang panghanapbuhay, kaya nga hindi nakapagtataka, libo-libo na ang sumasanib sa “Team Isko” at mga kaalyansang volunteer group tulad ng IM Pilipinas at iba pa.
Gusto ng mga tao ang tapang at katapatan ni Isko sa usapin ng West Philippine Sea, sa laban sa korapsiyon, sa laban sa COVID-19; gusto nila ang proyektong Pabahay, libre at dekalidad na edukasyon, ayuda sa mga senior at alawanses sa mga estudyante ng Maynila; ang libreng gamutan sa mga modernong ospital, ang malinis na kalsada sa siyudad at ang tulong sa maliliit na negosyante ng Maynila.
Naririnig ng mga tao sa mga pagbisita ang malaking iginanda at ikinasigla ng negosyo sa Maynila, at hanga sila kung paano nagawa ni Isko ang mabilis na pag-asenso sa kabila lamang ng mahigit na dalawang taon at naibalik ni Isko ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno.
Gusto ng mga tao: kung ano ang ginawa ni Isko sa Maynila, magawa rin ito sa kanilang lugar; kung may magagandang paaralan at ospital sa Maynila, sana sila ay magkaroon din ng katulad na serbisyo; kung nabigyan ng maraming trabaho ang mga Manilenyo, sana ay sila rin ay mabigyan ng tsansa na makapagtrabaho, lalo na ngayong nananatili pa ang perwisyong COVID-19.
May pruweba na si Isko sa paglaban sa COVID-19, sa mabilis na kilos sa mga problema ng karaniwang Manilenyo; sa maayos na programa ni Yorme Isko sa “Buhay at Kabuhayan” sa Maynila.
Umaasa sila, at naniniwala ang maraming tao sa mga pamiting, sa mga pagbisitang tulad ng “Listening Tour” ng Team Isko, may pag-asa pa, may maasahan pa, maghintay lamang, ‘wag lang mainip, ‘wag lang bibitaw sa pananalig at tiwala sa Diyos at sa magagawa ng tao sa pagtutulungan, makatatawid ang Pilipino – sa tulong ng gobyerno ni Isko kung siya ang mananalong pangulo sa 2022 –, may bagong liwayway ang mamamayang Pilipino.
o0o
Para sa inyong mga suhestiyon, reaksiyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].