BAKIT KAGAT NA KAGAT SA TAO ANG DALANG MENSAHE NI ISKO?

ILANG libo na ba ang namatay sa pandemya at dahil sa makupad at kulang na serbisyong medikal, dagdag pa ang maling polisiya sa health ng gobyerno.

Babanggitin pa ba natin ang maanomalyang government purchase ng face mask, face shields at PPEs?

Ang nag-expire na gamot na inimbak sa warehouse at hindi napakinabangan ng milyong Pilipinong may sakit.

Si Doc Willie Ong na isang cardiologist at kilalang may malasakit ang kailangan ng Pilipino ngayon.

Bakit si Dr. Willie Ong ang gusto ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na maging bise presidente?

“Kasi, totoong tutulong sa tao si Doc Willie,” sabi ni Yorme Isko.

Kung siya ang Pangulo, hindi iiral ang politika, sabi niya at ang tugon sa maraming problema, tulad ng pandemya ay Bilis Aksyon na tatak Isko Moreno.

o0o

Hindi batikos, hindi black propaganda, hindi lutang na pangarap, at lalong hindi mahirap gawin ang hatid ng programang “Buhay at Kabuhayan” na inihahain ni Manila Mayor Francisko ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mamamayang Pilipino.

Isa pa, nakabatay sa realidad, ayon sa siyensiya at madaling maunawaan ang nais na gawin nina Yorme Isko at Doc Willie Ong kung ang tiket nila ang mananalo sa eleksiyon sa Mayo 2022.

Mabilis, maaasahan at epektibong solusyon sa mabibigat na problema ng maraming mahihirap na pamilyang Pilipino ang “Bilis-Kilos” na pangakong gagawin nila, ora mismo pag sila na ang nakaupo sa Malakanyang, at ano ang ilan sa mga solusyong ito.

Sino ang aayaw sa mas murang koryente at mas mababang presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo, tiyak gusto ito ng taumbayan, lalo na ang mga negosyante, ang industriya.

Malaking tipid ito na lahat ay makikinabang, at makatutulong nang mabilis sa pagbalikwas at paglago ng buhay at kabuhayan na hanggang ngayon ay pinahihirapan ng pandemyang CO­VID-19 at ng maraming kalamidad na nagpahirap sa mamamayang Pilipino.

Sa nakaraang dalawang araw na “Listening Tour” ni presidential candidate Isko Moreno sa Central Visayas, at sa Luzon, talagang naakit at umani ng suporta at marahil ng boto ang programa sa gobyerno nina Isko at katiket na bise presidente, ang cardiologist at medical vlogger na si Doc Willie Ong.

Malinaw ang pakinabang kung kakaltasan ang excise tax sa petrolyo: mas maraming kita sa sektor ng transportasyon at negosyo at mas malaking kita sa pamilyang Pilipino na ang kahulugan, mas maraming pagkain at pambili ng gamot, at iba pang pangangailangan ng tao.

Ibaba sa lokal na gobyerno ang malaking parte ng salaping mula sa internal revenue tax (IRA) bunga ng Mandanas ruling ng Supreme Court at malaking pautang at mababang interes para sa pagbuhay sa mga nagsara at naghihirap na micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Agad na tulong sa sektor ng magbubukid at mangingisda upang maayos na maimbak sa mga bodega at cold storage facilities ang mayamang ani na sa halip na malugi at mabulok, maibebenta uli, at mapakikinabangan at ano ang resulta: food security.

Upang mapabilis ang galaw at unlad ng industriya, turismo, kalakalan ay itutuloy ni Yorme Isko ang kalat-sa-bansa na pagtatayo ng tulay, kalsada, mga gusaling ospital, paaralan, at iba pang pasilidad para sa mahihirap na pamilyang Pilipino.

Pabahay sa maraming mahihirap; trabaho sa milyon-milyong tao; proteksiyon sa OFWs, at mabilis na aksiyon kontra korupsiyon at maaasahang hustisya sa mga naaapi ang alok na serbisyong bayan ng Aksyon Demokratiko.

Upang maproteksiyonan ang buhay at kalusugan ng bayan, sinabi ni Doc Willie irereporma niya ang DoH at sisiguruhin ang maramihan at mabilis na pagbabakuna – na ito ang sagot at panlaban sa pandemyang COVID-19.

Sa tulong ng tatlong kandidatong senador na sina Almira Gutoc, Dr. Carl Balita at dating konsehal Jopet Sison, mga batas para sa mahirap ang isusulong nila, tulad ng komprehensibong medical service program na libre sa ospital at gamot sa lahat, lalo na sa mga dahop sa salapi at hirap sa buhay.

Laging sa tao, sa nais at pangarap ng tao ang sentro na gagawin nilang estilo ng gobyerno.

Mas mapagkakatiwalaan ang pangakong bagong pag-asa at pagbabago ang iniaalok ni Yorme Isko dahil laki sa hirap, nagdanas ng hikahos na buhay si Isko, at likas sa kanya ang malasakit at kalinga sa maliliit na tao.

Tao muna, sa mahirap muna, tulong muna, sakripisyo muna, at pananalig sa awa ng Diyos ang dalang pangako, pag-asa at kredibilidad ng tambalang Yorme Isko at Doc Willie.

Tagline na ‘Bilis Kilos’ ay ‘Tao Muna’ ang dalang adhika ng Aksyon Demokratiko sa gobyernong Isko.

“Hindi namin kayo bibiguin, epektibong lingkod sa bayan ang ibibigay namin, “sabi ni Isko ulit-ulit na pangako niya sa mga binibisitang lokalidad upang ikalat ang dala nilang bagong pag-asa, bagong pagtitiwala at bagong bukas sa mamamayang Pilipino.

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].