BAKIT KAILANGAN PANG MAG-ANGKAT NG ASUKAL?

HANGGANG ngayon, mainit pa rin ang usapin kung bakit kailangang mag-angkat ng iba’t ibang produkto ang bansa.

Noong una’y bigas at kung hindi ako nagkakamali, tuloy-tuloy ang importasyon natin ng nasabing produkto.

Labis na nakaaapekto sa mga lokal na magsasaka ang pag-aangkat na ito.

Matatandaan na matagal na nating inaasam na maging self-sufficient sa bigas, gulay, prutas, isda, at iba pa ang ating bansa.

Malawak ang Pilipinas kaya naniniwala ang maraming sektor na kayang tugunan ng lokal na produksiyon ang pambansang pangangailangan natin.

Sa madaling salita, hindi na raw kailangang mag-angkat pa ng isda [partikular ang galunggong], bigas, at iba pa mula sa ibang bansa.

Ang masaklap ngayon, umuugong naman ang importasyon ng asukal.

Kaya galit na galit ang sugar industry matapos payagan ng Sugar Regulatory Administration ang pag-aangkat naman ng 200,000 metric tons ng asukal.

Humirit tuloy ng temporary restraining order (TRO) ang United Sugar Producers Federation (Unifed) laban sa SRA nang magpalabas ito ng Sugar Order 3 (SO3) kahit nasa ‘peak’ ngayon ang sugar milling.

Magkakalabo-labo raw ang presyuhan sa asukal kapag nagkataon.

Isa ang Unifed sa pinakamalaking pederasyon ng sugar planters sa bansa kaya apektado raw sila rito.

Kaya naman, para kay Unifed director Joseph Edgar Sarrosa, dapat itigil o huwag ituloy ng ahensiya ang importasyon.

Tila balido naman ang depensa ni SRA administrator Hermenegildo Serafica dahil mahalaga raw na mapunan ang posibleng kakulangan sa suplay sa asukal at ma-stabilize ang sumisirit na presyo nito.

Iba naman ang nakikita ni Unifed president Manuel Lamata hinggil sa inisyung SO3 ng ahensiya.

Maganda raw ang layunin ng SRA na mapatatag ang local market prices ng asukal.

Ngunit nagrereklamo pa rin naman daw ang mga consumer sa mataas na sugar prices sa merkado.

Naghihinala tuloy ang Unifed na baka mapunta lang o ibenta ng gobyerno sa bottling companies ang malaking bahagi ng aangkating asukal.

Maging ang Negros Occidental Provincial Board ay nagpalabas na raw ng resolusyon bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa sugar import order.

Wala raw ibang magdurusa rito kundi ang consumers, sugar farmers at iba pang stakeholders sa sugar industry.

Sa tingin ko, dapat pag-aralang maigi ng gobyerno ang importasyon ng asukal at kung maaari ay panghimasukan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mukhang mahina na ang food security at competitiveness daw ng mga kinauukulang ahensiya.

Nasaan na ang ipinagmamayabang nilang self-sufficiency sa mga produkto ng bansa?

Mahalagang silipin ito nang maigi ng pamahalaang Duterte.

Baka kasi magbigay-daan lang ito sa malawakang ismagling ng asukal at iba pa na sinasabing matagal nang talamak sa Bureau of Customs (BOC).

Oo, nauunawaan natin na ang pag-aangkat ay isang pamamaraan upang mapamahalaan nang maayos ang ating supply at demand at maiwasan ang bigla-biglang pagtaas ng presyo.

Gayunman, bakit kailangang umangkat kung maliit na bahagi lang naman daw pala ng mga tubuhan sa bansa ang napinsala ng bagyong Odette?

Nakadududa kasi na kung kailan milling season ay saka naman isinusulong ang sugar importation.

Nawa’y walang nagmamanipula sa asukal kaya atat na atat silang umangkat.