KUMUSTA ka, ka-negosyo? Sa panahong sunod-sunod ang kalamidad gaya ng bagyo, lindol, at patuloy na hampas ng pandemya, ano nga ba ang sitwasyon mo ngayon – sa buhay at pagnenegosyo?
Sa mga sunod-sunod na tila dagok ng tadhana, dagdag pa ang tumataas na inflation, raw materials, at presyo ng maraming bagay, nawa’y nakakaraos pa tayo.
Kaya naman sa pitak na ito, naisipan kong ibahagi sa inyo ang isang pamamaraan na ginagamit ng mga startups at maliliit na negosyo sa Amerika na siyang pangunahing istratehiya nila sa mabilis na paglago – ang tinaguriang Growth Hacking.
Bago ko ilahad ang kahalagahan nito, nais kong ibahagi sa inyo na ang kompanya ko na matatagpuan sa Negosentro.biz ay isa sa mga nangunguna sa growth hacking sa Pilipinas. Ito na rin ay bunsod ng aking pagiging consultant at director sa ilang mga startups. Kaya naman eto at ibabahagi ko na ang kahalagahan ng growth hacking, lalo na sa mga panahong ito.
Tara na!
#1 Ano nga ba ang Growth Hacking?
Ang growth hacking ay ang proseso ng pagbuo at pagpapatupad ng mga diskarte sa marketing na pangunahing naglalayong pabilisin ang paglago ng startup na negosyo. Pinagsasama nito ang marketing, analytics, at teknolohiya para tulungan ang mga kompanya sa mabilis na pagkamit ng napakalaking paglago sa mga katamtamang paggasta, sa mas mabilis na panahon.
Ang mga diskarte sa pag-hack ng paglago (growth hacking) ay angkop para sa mga startup sa kanilang mga unang yugto na may limitadong mapagkukunan ng badyet.
Ang aspeto ng “pag-hack” ay nakasalalay sa pagtuklas ng mga makabago at maayos na mga shortcut na nagdudulot ng makabuluhang resulta..
Ang growth hacker ay isang taong nagpapatupad ng mga paraan ng paglago ng marketing upang tulungan ang isang negosyo sa pagkuha ng pinakamaraming kostumer hangga’t maaari habang gumagastos ng kaunting pera hangga’t magagawa. Gumagamit sila ng mga makabago at murang paraan upang tulungan ang mga negosyo na hindi lamang makakuha kundi pati na rin sa pagpapanatili ng mga kliyente.
#2 Paano gumagana ang Growth Hacking?
Para sa bawat negosyo, pinahahalagahan ang pag-alam kung paano lumalago sa pinakamurang paraan, sa pinakamabilis na paraan.
Maraming mga startup ang gumagamit ng tinatawag na “pirate funnel” na ibinahagi ni Dave McClure bilang isang simpleng paraan sa paglago ng negosyo.
Ang mga ito ay acquisition, activation, retention, referral, at revenue (AARRR). Sa tagalog, ito ay ang pagkuha ng kostumer, pagresponde o pagbili ng kostumer, pagbalik-balik ng kostumer, pagdala ng kostumer ng iba pang kostumer, at ang kabuuang kita ng kompanya sa kostumer.
Kasama rin sa growth hacking o pagpapabilis sa paglago, ay ang pagpapataas ng kamalayan ng mga kostumer ukol sa iyong brand o produkto o serbisyo.
Sa alinmang paraan, ang punto ay upang makakuha ng trapiko at mga bisita sa iyong website, gawing mga kostumer ang mga bisita, at panatilihin ang mga iyon bilang mga masaya at pabalik-balik na kostumer.
#3 Lahat nagsisimula sa isang website
Kung wala kang website, ‘di mo masisimulan ang growth hacking. Dahil na rin sa nakapaloob sa istratehiyang digital marketing na ito, nakadepende sa website mo ang growth hacking.
Tandaan mo na ang pagkakaroon ng isang website ay nangangahulugang dito mo papupuntahin ang iyong mga target na kostumer bago mo sila pabilihin ng iyong serbisyo o produkto. Kung papupuntahin mo ang mga kostumer mo sa iyong shop, restawran, o opisina upang maganap ang transaksiyon, ang website mo ang magiging pangunahing kontak mo sa iyong mga mamimili.
At dahil dito, ang iyong website ay maaaring maging pangunahing tagasala at taga-kuha ng mga detalye ng iyong mga kostumer, upang sila ay iyong mabalikan sa anumang pamamaraan at dahilan. Siyempre, dapat mabilis ang website mo at kaaya-aya ang ekpiryensya ng mga user o bisita mo rito.
#4 Kahalagahan ng Content Marketing
Ilang beses ko nang nailahad ang istratehiyang digital na Content Marketing. Sa kabuuan, ang pagpaplano, pagbuo, at pag-execute ng istratehiyang Content Marketing ay isa sa pinakaepektibong pamamaraan na nakapaloob sa growth hacking.
Nakapaloob sa Content Marketing ang marami pang taktika at gawain na siyang magpapagana sa istratehiyang ito. Malawak kasi ang Content Marketing.
Una rito ay ang pagkakaroon ng maayos at mahusay ng content sa iyong website na siyang maghahanda sa ekspiriyensya ng darating na bisita rito.
Isunod naman natin ang tinatawag na SEO – o ang Search Engine Optimization – na siyang gagamitin mo upang umakyat sa page 1 ng Google o anumang search engine (Bing, Yahoo, etc.) sa paghahanap ng mga salita (o keywords) na aangkop sa iyong brand o produkto o serbisyo. Na dahil ikaw ay isa sa pangunahing resulta sa Google, sila ay unang pupunta sa website mo.
Bukod sa SEO, ang social media rin ay mahalaga. Dahil kung sa Facebook, YouTube, Tiktok, at ibang social networks naglalagi ang iyong mga target na kostumer, ang paggamit ng tamang content sa mga platapormang ito ang siyang magdadala ng kostumer sa website mo.
Pero ‘di lahat ay nagpapadala ng trapiko sa kanilang website. May mga ilang negosyo gaya ng sa real estate at insurance na magpapadala ng target kostumer nila sa Facebook Messenger, Viber, Whatsapp, at iba pa upang doon na mismo makaugnayan ang kanilang kostumer at pagbentahan na rin. Ganyan din ang ginagawa ng ilang online na negosyo gaya ng sa mga pagdeliber ng pagkain kung saan gagamit lang sila ng Facebook Groups, o kaya’y ang Tiktok na may bentahan na rin upang makabenta at i-deliber ang nabiling produkto.
Mahalang bahagi rin ng content marketing ang paggamit mo ng blog (o blogger), mga social influencers, at iba pang taktika. Pareho lang naman ang magagawa nito, pero ‘di naman laging kailangang gamitin lahat.
#5 Paggamit ng SEM o advertising
Ang SEM (search engine management) ay may kinalaman din sa paggamit ng mga ads o patalastas online. Ang nais lang namang gawin nito ay ang pagpapadala ng mga kostumer sa kanilang website o anumang plataporma kung saan makakaugnayan ang kostumer.
Madalas kong gamitin para sa aking mga kliyente ay ang Facebook Ads, Google Ads, at Programmatic ads kung saan kahintulad din siya ng Google ads ngunit diretso na sa mga website ang pagpapaskil ng patalastas.
Madalas, ang mga ads ay magpapadala ng target kostumer sa website o social media na plataporma.
#6 Paggamit ng iba’t ibang teknolohiya
Marami na ring mga teknolohiya at plataporma ang ginagamit bukod sa aking mga nabanggit sa itaas na diskusyon. Madalas, nakakabit na ito sa tinatawag na Sales Funnel na siya ding nakasakay sa teknolohiya.
Ang mga sales funnel ay nagpapadali ng proseso sa pagbabantay ng pinagdaraan ng mga target na kostumer, inaalam ang mga ginagawa nila at binubuo ng iba’t ibang datos na siyang maaanalisa upang mapabuti pa ang istratehiya.
Meron ding mga apps na ginagamit upang mapadali ang proseso ng pag-hack ng paglago.
Ang kompanyang Drop Box ay mabilis na lumago sa paggamit ng Online Referral System at nagbigay insentibo sa mga nag- refer nito.
Konklusyon
Sa dulo, mahalagang bukas ka sa anumang paraan na mabilis na paglago. Lalo na at maraming teknolohiya at plataporma ang gagamitin mo upang magawa ang mga taktika na nabanggit ko.
Magsaliksik ka ng ukol sa mga nabanggit ko at iba pang ‘di na kakasya sa pitak na ito ngayon. Ang mahalaga ay mabuksan ang iyong kaisipan sa mga bagay na ginagamit na ng maraming mga matagumpay na mga kompanya sa ilang taon na rin ang nakararaan.
Maging masinop, masipag at magdasal upang magabayan ka ng Diyos sa iyong negosyo.
Si Homer ay makokontak sa [email protected].