BAKIT MARAMING FILIPINO NGAYON ANG NAHUHUMALING SA SABONG?

PUSONG SABUNGERO

BUKOD sa ito ay isang kultura na o tradisyon sa ating bansa, ang larong sabong ay may halo na ring kahiwagaan. Bakit? Dahil kung iyong pagma­masdan ay napakarami ang nagiging alipin ng manok panabong, matalinhaga subalit ito ay totoo.

Sa dami ng akin nang nakapanayam, lalong-lalo na ang mga kinikilala sa gob­yerno, mga gobernador, mambabatas, alkade, mga mayayamang negosyante at marami pang iba na may alagang manok pansabong, iisa lamang ang kanilang tugon, na ang mga ito ang nagsisilbing ‘stress reliever’ sa kanila. Tinanong ko kung bakit manok panabong ang kanilang nakahiligan. Karamihan sa kanilang tugon ay iba ang hatid na ligaya nito tuwing sila ay pagsasabungin, ang taglay nilang galing at tapang sa pakikipaglaban ay talaga namang kahanga-hanga. Kaya sa aking obserbasyon, ang isang nagpapalahi ng manok ay nakikilala kung anong klase ng manok ang kanilang pinapalahi. Ang manok ang nagsisilbing salamin ng kanilang pagkatao. Kung gusto ba nila ay ‘yung mauutak lumaban, ‘deep game’ o kahit na labas na ang bituka ay ‘di susuko sa laban o mga manok na kahit ano lang basta masabing may alaga siya, mga sabungerong masyadong metikuloso, detalyado at mataas ang pamantayan, ito lamang ang ilan sa mga kata­ngian ng manok panabong na sumasalamin sa pagkatao ng isang ­sabungero.

Marahil ay nagulat kayo nang sabihin kong dumarating din ang pagkakataong ang mga kinikilalang magmamanok ay nagsisilbing alipin sa kanilang mga alaga. Isang halimbawa rito ang aking kaibigan na si Mayor Juancho Aguirre nang sabihin niya sa akin na, Manny, maaga pa ay gigising na ako at pupuntahan ang aking mga palahi, ako mismo ang nagpapakain kung may pagkakataon at isa-isa silang sinusuri, hinihimas at ginagamot kung may sakit. Ang pagmamanok ay para sa mga taong masisipag at ito ay isang mahirap na gawain su­balit kung mahal mo ang iyong ginagawa ay mauubos ang isang araw nang hindi mo namamalayan. Sabi nga, ang suwerte raw ay malapit sa masisipag at nagpapakahirap na itaguyod ang kanyang manukan.

Si Mayor Juancho ay isa lamang sa napakaraming nagpapalahi ng manok panabong na maituturing na isang alamat at iginagalang ng karamihan, isang huwarang halimbawa na marami ang humahanga dahil sa kanyang adhikain na ipag­laban ang napakagandang industriyang ito. Si Mayor JUANCHO AGUIRRE ay pumanaw sa edead na 76 at hindi ko makalilimutan ang kanyang mga katagang kung walang manok panabong, malamang ay hindi ko na aabutin ang edad na ito. Tama po ang inyong nabasa, isa lamang si mayor sa napakaraming sabungero sa buong mundo na dahil sa pagkahumaling sa manok ay nabiyayaan ng magandang kalusugan. Talagang mahiwaga su­balit napakasarap makitang ang isang manok na nilalang ng Panginoon ay nagdudulot ng ‘di mapantayang kaligayahan sa karamihan.

Isa pang halimbawa ay ang napakaraming OFWs na nahuhumaling sa isport na ito na kahit sila ay nasa ibang bansa ay patuloy pa rin ang pagtaguyod ng kanilang farm sa Pinas. Pinaghahandaan na sa kanilang pag-uwi ay makasali sa derby o mga ulutan o tupada upang sa iksi ng kanilang bakasyon ay ma-enjoy ang sabong at makita kung maganda ang kanilang palahi. Ang mga naglalakihang papremyo ang isa ring dahilan kung bakit ‘di lamang mga OFW ang nahuhumaling kundi mga sabungerong nakita ang pakinabang nito kung ito ay gagawing isang negosyo.

Sa ngayon, dahil sa popularidad ng sabong at sa ganda ng biyayang dulot nito, kung ito ay gagawing negosyo ay patuloy na dumarami ang mga Filipinong niyakap na at ginawang makabuluhan ang kanilang pagmamanok. Maging ng mga naglalakihang kompanya o multi-national companies ay sumali na rin sa pagtataguyod ng industriyang ito. Taon-taon ay maraming mga local at international companies ang pumapasok upang makasabay sa paglago ng sabong sa Filipinas.

Sa huli, ang sabong ay laro ng mga taong ma­pitagan, may isang salita at gentleman of the sport, ika nga. Sa sabungan na lang marahil matutunghayan ang mga pustahang naglalakihan subalit pagkatapos ng sultada ay nagbabayaran nang walang alinlangan. Sabi Ni Ray Alexander, isang sikat na magmamanok na Amerikano, “Where in the world would you see a sport that after each fight the losers will pay without any questions asked, no documents signed even if the amount runs to hundreds of thousands of pesos? Only in the Philippines, ika nga at ito rin ang dahilan kung bakit ako rin po ay nahuhumaling sa isport na ito.

Si Chuck Berry naman na isang breeder na taga-Oklahoma ay ginawang katatawanan ang kanyang obserbasyon na kung sakaling hindi ka magbabayad sa pustahang napagkasunduan ay siguradong you will be BEATEN BLACK AND BLUE. Totoo po ‘yan dahil hindi katanggap-tanggap sa bayang sabungero ang pupusta at tatalikuran o hindi magbabayad sa napagkasunduang halaga. Kadalasan ang ganitong mga tao ay hindi na makapapasok sa sabungan at iiwasan na parang may sakit na nakahahawa.

Salamat po sa inyong pagtangkilik!!! At kung kayo po ay may mga katanungan ay malugod ko po kayong sasagutin sa abot ng aking nalalaman….

Comments are closed.