BAKIT MARAMING ILLEGAL WORKERS

MASAlamin

KUNG nagtataka ang mga Filipino kung bakit marami ang naglipanang ilegal na Chinese nationals na nagtatrabaho sa  bansa, ang  mismong sagot ay ang hula ninyo: sindikato.

Ito ang obserbasyon ni Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello  kaya kamakailan ay hiniling nito kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na imbestigahan ang mga awtoridad na umano’y nasa likod ng pag-aayos para sa mga Chinese national na maisyuhan ng 9G o working visa para sa mga nagtatrabahong Tsino. Ayon sa ating source, lingid daw ang operas­yon na ito sa kaalaman ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente.

Hayan, BI na naman ang nasasangkot sa sindikato samantalang kamakailan lamang ay sinipa ni Pangulong Duterte ang matataas na opisyal diyan dahil sa pagtanggap umano ng milyon-milyong pisong halaga para sa pagpapalusot sa daan-daang Tsino na nagtatrabaho sa bansa. Ang kaibahan nga lamang ay ang pinag-uusapan ngayong pinalusot ay 119,000 na Chinese nationals! Aba! Kung dati ang usapan sa 500 Tsino na nais palusutin ay P500 milyon hanggang P1 bilyon, naku e bilyon-bilyong pisong raket ‘yan!

Nabulgar ang raket na ito kamakailan sa isang Senate hearing kung saan sinabi nga ng BI representatives na 119,000 na Tsino ang nabigyan na ng special working permit. Ang iregular dito ay pawang mga nakapasok sa bansa ang mga ‘yan gamit ang tourist visa at nabigyan ng special working visa nang hindi dumaan sa tamang proseso at hindi sumunod sa mga restriksiyon ng DOLE. Kinakailangan kasi ng working permit ang mga banyagang ‘yan na mang­gagaling sa DOLE. Ayon na rin sa ating source, gumawa na ng inis­yal na hakbang si DOJ Sec. Guevarra upang imbestigahan ang dalawang pulis na naka-assign sa Office of the Commissioner ng BI at isang abogado ng BI na maaaring sangkot sa sindikato.

Pinaiimbestigahan umano ang miyembro ng PNP na sina Atty. Alex Recinto, Technical Assistant ni Jess Castro, na Chief of Staff naman ni Commissioner Morente, at isang Attorney Maminta na nasa tanggapan din umano ni Morente. Sinisipat din ng DOJ ang umuugong na ang 9G visas ay pinoproseso sa BI office sa SM Aura sa Taguig imbes na sana ay sa BI central office sa Intra-muros.  Tinitingnan na rin ang anggulong double compensation dahil tumatanggap sila ng kabayaran bilang mga  aide ni Morente at sumusuweldo pa sa PNP ang nasasangkot na pulis. Maging ang kanilang promosyon umano mula sa ranggong major ay naging colonel nang pumasok sila sa BI ngayong taon ay may iregularidad umano dahil may rule ang PNP na hindi maaaring ma-promote ang isang PNP personnel habang naka-detail sa ibang ahensiya ng pamahalaan.

Sina Recinto at Castro ay pawang nagsilbing mga close aide umano ng kontrobersiyal na PNP chief ng nakaraang administrasyon na si Alan Purisima.

Comments are closed.