BAKIT MAY KORUPSIYON?

MASAlamin

MGA maaaring dahilan kung bakit maigting ang korupsiyon sa pamahalaan:

1) Sinasamantala lang naman ang posisyon baka bukas wala na.

2) Ginagawa naman ng iba bakit hindi ako?

3) Para sa pamilya ko kaya ginagawa ko ito.

4) Nag-iipon lang naman ako ng pampiyansa  at pambayad sa pinakamatitikas na mga abogado.

5) Marami namang nakikinabang sa raket ko hindi lang ako.

6) Kung hindi ko kukunin ang pera e iba ang kukuha, mabuting ako na lang ang kumuha ng pera.

7) Huwag ako ang sisihin ninyo kung nakakapagnakaw  ako, ang sisihin ninyo ay ang sistema na may mga butas makapangurakot.

8) Dating nakagawian na naman ito sa ahensiyang ito e hindi naman ako santo.

9) Aba may karapatan din naman akong yumaman at nasa gobyerno ang limpak-limpak na pera.

10) Kaya nga ako nasa gobyerno hindi para magpakamartir ‘no.

11) Utak lang ‘yan, kung wala kang utak hindi ka yayaman sa gobyerno.

12) Kahit nagnanakaw ako marami rin naman akong natutulungang mamamayan at hindi talaga ito nakaw, budget ito ng opisina ko.

13) Sa contrator na ‘yan subok ko na marunong mag-deliver, everybody happy,  ‘ika nga at maayos naman ang trabaho niya e.

14) Kung hindi dahil sa akin e wala ‘yang mga proyektong ‘yan kaya karapatan kong kumita sa mga ‘yan.

15) Wala namang huli kung ibulsa ko ‘yang mga pondong ‘yan, ok naman ang legal opinion ng internal legal at ayos na naman si COA.

16) E, kinotahan ako e ano magagawa ko, porsiyentolang naman ako.

17) Hindi ko hiningi ‘yang mga perang ‘yan, kusang lumalapag na lang sa lamesa ko e kapag tinanggihan ko baka lumabo mata ko.

Marami pang maaaring kadahilanan kung bakit may korupsiyon, pero kayo na lamang ang magpuno, nakakaduwal na e.

o0o

Nais ko nga palang pasalamatan ang mga personnel at staff ng Citystate Savings Bank Katipunan Branch sa kanilang masinop at mahusay na serbisyo.

Binabati ko sina Girly C. Espiritu (Service Head), Patricia Joy Ramos (Teller), Jedd Kirk Fano (Marketing Officer), Allan Ibanez (Jewelry Appraiser), Jhun Diana at Pedro Dazo. Mabuhay po kayo!

Comments are closed.