BAKIT NADAMAY ANG LOTTO?

rey briones

HININGI ninyo ‘yan… kaya ibinigay ko!

Simpleng pahayag ng pangulo ng republika, Suki, na dapat intindihin ng kanyang mga pinatutungkulan… kung sino man sila!

Tungkol sa biglang pagpapahinto ni Boss Digong sa lahat na laro ng PCSO, ‘tulad ng STL, Lotto, Keno at maging ang Peryahan ng Bayan ang tinutukoy ko.

Kasi mukhang napundi na ang presidente sa hindi maawat na korupsiyon sa loob at labas ng lottery agency.

At Suki, mukhang may bagong boses na sobrang pinaniwalaan ni Boss Digong hinggil sa lawak ng katiwalian sa ahensiya ng loterya.

Boses na pinaghugutan ng pangulo ng lakas upang sarhan ang negosyo na daan-daang libo ang umaasa sa kanilang ikinabubuhay.

At milyong nagdarahop na pasyente sa lahi ni Juan ang umaasa ng ayuda mula sa bilyon-bilyong pisong kinikita ng PCSO.

Ganito ang pagkaintindi ko, Suki, sa sinabi ni Boss Digong na… hiningi n’yo ‘yan kaya ibigay ko talaga sa inyo: Game over na kasi ayaw n’yong tumigil sa korupsiyon!

oOo

Pati ang operasyon ng lahat na pambansang loterya (lotto) ay ipinatigil din ng presidente.

Maging ang larong Keno.

Bakit, ha Suki?

Kung ang korupsiyon ay tungkol lang sa relas­yon ng STL operators at posibleng proteksiyon money sa taga-loob, mga pagkakautang ng AACs na hindi binabayaran at nagtatago sa utos ng hu­kom na TRO at maging sa posibleng mga raket sa kontrata ng supplies… eh, bakit nadamay ang laro sa lotto, ha, Suki?

May natuklasan ba, Suki, ang inutusan ni Boss Digong na alamin ang lawak ng katiwalian sa loob ng PCSO tungkol sa posibleng anomalya sa bolahan ng lotto?

Bakit kailangang isama ng presidente ang lotto sa kanyang ipinatigil? May katiwalian ba sa mismong bolahan ng pambansang loterya?

Alam ni Boss Digong na malaking dagok sa pa-nanalapi ng gobyernong ipinang-aayuda sa milyon milyong pasyente ang pagpapatigil n’ya sa lotto, eh, bakit ginawa pa rin nya?

Sa madaling panahon ay malalaman din natin, Suki, kung ano ang rason at nadamay ang lotto. Sa ngayon, “I submit to the wisdom of the president.”