“ANG umiibig ng kalayawan ay magiging dukha: ang umiibig sa alak at langis ay hindi yayaman.” (Kawikaan 21:17)
Si Oliver ay anak-mayaman. Ang lolo niya sa tuhod (great grandfather) ay nagtrabaho para sa mga Jesuita at sa gobyerno sa Mati, Davao, sa Mindanao. Ang ibinayad sa kanyang lolo ay mga baka, kaya nagkaroon ito ng maraming baka na ibinebenta sa Maynila. Subalit maraming masasamang mamimili ng baka sa Maynila. Binabarat nila ang lolo sa presyong palugi. Kaysa sa mamayat at mamatay sa dehydration ang mga baka, napilitang ibenta na lang nang palugi ang mga ito. Naisipan ng lolo na ilipat ang bakahan niya sa lugar na mas malapit sa Maynila. Nagpunta siya sa lalawigan ng Masbate at kinausap ang maraming may-ari ng lupa. Nakabili siya ng 2,000 ektaryng lupa at doon niya itinayo ang kanyang negosyong bakahan.
Ang nanay ni Oliver ay isa sa mga tagapagmana ng lolo. Noong dalaga pa, laging bumibisita ang nanay niya sa hacienda para magpasarap at tumulong sa pangangasiwa. Mayroon ang hacienda ng isang mestiso subalit mahirap na manager ng mga kabayo. Ang anak ng manager na ito ay isang guwapong-guwapong lalaki.
Nahumaling ang nanay ni Oliver sa guwapong binatang iyon. ‘Di nagtagal ay nagkagustuhan ang dalawa. Nang magpaalam ang dalawa para magpakasal, hindi pumayag ang mga matatanda ng hacienda dahil ang tingin nila ay dehadong-dehado ang kanilang anak. Ang takot nila ay pakakasalan ng lalaki ang kanilang anak na babae dahil lang sa kayamanang mamanahin nito. Dahil sa matinding pagtutol ng mga matatanda, naglayas ang dalawa, nagtanan at nanirahan sa Lipa, Batangas kung saan naroroon ang mga kamag-anak ng lalaki. Dahil sa mga pangyayaring ito, napilitan ang mga matatanda na pag-asawahin na lang ang dalawa. Ang bunga ng pagmamahalan ng dalawa ay si Oliver at ang kanyang mga kapatid.
Pinag-aral ng abogasya si Oliver sa Ateneo de Manila. Nag-practice siya ng ilang taon, subalit hindi gaanong naging matagumpay ang kanyang hanapbuhay. Madalas na bakante siya, kaya natutong magbisyo – alak at sigarilyo.
Bumibisita si Oliver at ang kanyang pamilya sa hacienda subalit wala silang kapangyarihan doon. Ang may kontrol ng pangangasiwa at pamamalakad sa hacienda ay ang pamilya ng panganay na kapatid ng kanyang ina. Ang pamilyang iyon ang nagbuwis ng buhay para patakbuhin ang lugar at sila rin ang tanging nagpasok ng kapital para mapatituluhan ang lupa. Sa katapusan ng bawat taon, tumatanggap ng dibidendo ang apat pang ibang pamilya, kasama na ang pamilya ni Oliver.
Subalit hindi kuntento ang pamilya ni Oliver sa dibidendong tinatanggap bawat taon. Naliliitan sila dahil lumalaki na ang kanilang mga anak. Hindi rin gusto ni Oliver na ang naghahari sa hacienda ay iyon lamang isang pamilya, at walang salita ang apat na ibang pamilya na mga may-ari rin. Kinausap ni Oliver ang ibang pamilya at nagpanukala siya na hatiin ang hacienda sa limang sector para alam ng bawat pamilya kung ano ang mamanahin at aariin ng bawat isa. Pumayag ang apat na pamilya subalit matindi ang pagtutol ng nagkokontrol na pamilya. Dahil mas marami ang bilang ng mga sumang-ayon kay Oliver, sapilitang hinati ang lupain. Nagbunutan sila at nakuha ng pamilya ni Oliver ang Sector 2, ang pangalawang pinakamagandang bahagi. Nasa tabi ito ng dagat at pinakamalapit sa malaking bayan.
Gumawa si Oliver ng sarili niyang hacienda na may 500 ektarya. Subalit wala siya masyadong mga proyekto para payamanin ang lupain. Kuntento lang siya na maghintay ng pag-ani ng kanyang mga punong niyog na ginagawang copra. Sinubukan niyang magtanim ng mani, subalit hindi naging matagumpay ito. Maganda ang pakikpagkapwa-tao ni Oliver sa kanyang mga tauhan. Popular siya sa kanila dahil nakikipag-inuman siya sa mga ito at siya ang gumagastos ng lahat. Galante si Oliver sa maraming tao; hindi niya alintana na inaabuso siya ng mga ito. Ang mahalaga kay Oliver ay popular siya. Dahil sa kanyang pakikpagbarkada, natuto siya ng samu’t saring bisyo — inom, sigarilyo, at higit sa lahat ay babae. Ikinadurog ito ng puso ng kanyang asawa. Noong marami pa siyang pera, maraming bugaw ang nag-alok sa kanya ng mga babae. Puro pagpapasarap si Oliver. Nakaligtaan niyang pangasiwaang mabuti ang kanyang negosyo. Dahan-dahang naubos ang kanyang pera at nawalan na siya ng sapat na kapital para patakbuhin ang negosyo.
Lagi silang nag-aaway ng kanyang mabuting misis dahil sa kanyang maraming babae. Nang hindi na siya matiis ng asawa niya, nakipaghiwalay ito sa kanya, kinuha ang lahat ng mga anak, at tumira sa Estados Unidos. Marahil dahil sa sama ng loob, nagkaroon ng kanser ang kanyang asawa, at namatay sa ibang bansa.
Nang wala nang pera si Oliver, iniwan na siya ng lahat niyang kaibigan. Nagkalugi-lugi ang kanyang hacienda. Hindi na niya mabayaran ng suweldo ng kanyang mga manggagawa. Nagkaroon ng anarkiya (kawalan ng batas) sa kanyang lupain at nagkanya-kanyahan ng nakaw ang mga tao. Inasawa ni Oliver ang isang katulong niya na may mga anak sa ibang lalaki. Nang maubos na ang pera niya, ibinenta niya sa Department of Agrarian Reform ang kanyang 500 ektaryang lupain. Ipinamahagi ng gobyerno ang lupa sa mga coconut farmers. Nang maubos na ang ibinayad sa kanya ng gobyerno, sumulat si Oliver sa kanyang mga anak sa Estados Unidos at nagmakaawang padalhan siya ng pera para pantustos sa kanyang katandaan. Tumanda na siya at namatay na abandonado ng lahat ng tao.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)