BAKIT NAGTATAGO ANG MGA BIKTIMA NG SEX ASSAULT?

KAHIT matagal na matagal nang naganap ang panggagahasa, rape pa rin yon. Ang kwestyon, bakit ba pinagtatagal pa ang pagre-report kung pwede namang ora-orada?

Tulad na lang ni “Ana” (hindi tunay na pangalan) na 35-years-old na ngayon. Umabot ng 15 taon bago niya naamin ang kababu­yang ginawa sa kanya. Halos 18 years old lamang siya nang maganap ito, at ang perpetrator ay 20 years old na akala niya ay kaibigan niya.

Isang araw, nagkaroon ng pagkakataon ang lalaki nang maiwan silang mag-isa sa bahay at nagawa niyang gahasain nga si Ana. Dito nagsimula ang tatlong taon niyang bangungot. Halos araw-araw siyang inaabuso ng lalaki. Hahalikan, hihipuan, kung walang nakatingin.

Bata man at walang karanasan sa sex, hindi naman tanga si Ana kaya nakagawa siya ng paraang hindi mabuntis. Ngunit gayunpa man, paano niya sasabihin ang nangyayari? Kanino niya aamining ginahasa siya ng taong inaakala nilang hindi makabasag-pinggan?

Natapos ang pambababoy nang magsawa ang lalaki. Pero tapos na nga ba? Tapos na nga ba ang ba­ngungot? Paano matatapos ang alaala ng pambababoy sa katawan ng isang babae, lalo pa at ito ang unang karanasan niya sa sex? Kaya nanatiling sekreto ang naganap

Taong 2018, tinulungan siya ng isang therapist at sa wakas, naipagtapat din niya ang nangyari. Nag-file siya ng kaso, at syempre, hindi ito naging madali. Nagkaroon ng imbestigasyon na umabot ng dalawang taon, dahil hindi na nila alam kung nasaan ang perpetrator. Pero sa dalawang taong mabagal na pag-usad ng kaso, nahuli rin ang rapist.

Naging depensa ng rapist na magkasintahan sila at kusang pumayag ito sa mga naganap sa kanila. Isa pa, matagal na itong nangyari, at kahit nga raw siya ay hindi na matandaan si Ana.

Pero ayon sa pulisya, natural lamang na matakot si Ana na ireport ang nangyari sa kanya. Kung nagtagal man ang pagrereport niya, natural lamang na matakot siya dahil hindi naman talaga kaaya-aya ang nangyari.

Ngunit matagal man bago nagreport ang biktima, hindi pa huli para makuha niya ang hustisya.

Nakakapagod ang pagrereport ng sexual assault dahil paulit-ulit na tinatanong ang biktima sa mga pangyayari. Pero ganoon talaga. Minsan nga, pakiramdam ng biktima, sa halip na tulungan sila ay mas lalo pa silang idinidiin. Basta ang mahalaga, gaano man katagal ang pang-aabuso, makukuha pa rin ang hustisya. – KAYE NEBRE MARTIN