SA BANSA natin, malaking bilang ng mga sabungero ay yaong tinatawag natin na backyard cockfighter o masang sabungero. Ito ‘yung nag-aalaga lang ng pailan-ilan, ‘yung kasya lang sa bakuran nila at kaya lamang ng kanilang bulsa.
Dahil nga low-budget, kalimitan ay sa mga hackfight at tupada lang sila lumalaban. Maski maliit lang ang kanilang pusta ay masayang-masaya na sila ‘pag sila’y nananalo sa laban. Ganyan po ka-exciting ang sabong.
Ayon kay Nemesio ‘Kano’ Raya ng Pasuluhan Gamefarm, pinakamasaya ang hackfight at tupada sa kasaysayan ng sabong.
“Hackfight, ulutan ‘yan ang pinakamasaya dahil kumbaga, hindi pormal, hindi katulad ng Pitmaster at World Slasher Cup. ‘Yan ang masaya, tangan nga lang may mga tao na matataas, siyempre class ang pupuntahan,” ani Kano.
Ilan sa ating mga kasabong ay hindi kayang lumaban sa hackfight sa mga sabungan kung hindi naman uubra sa sabungan ang kanilang manok at kung wala rin naman gaanong pamusta kaya sa tupada na lamang sila nagpupunta mairaos lang ang hilig. ‘Yun nga lang, bawal at ilegal.
“Pero mayroon naman tayong sabungan na ginagawang legal, ‘yun nga ‘yung hakfight at ulutan,” sabi pa ni Kano.
Nagsimula rin siya sa pagiging backyard breeder noong araw. Ang kaibahan nga lang, kahit backyard lang siya ay maaayos ang mga manok niya kasi ay bumibili siya ng mauuri talaga at talagang may palo.
Aniya, nagsimula siya sa paisa-isang manok, mga mumurahin lang na manok na binibili niya lang kung saan-saan.
Minsan ay niyaya raw siya noon ng kaibigan niya na bumili ng mga panlabang manok na tig-tatlong libo o limang libo. Aniya, noong araw ay medyo malaking halaga na ‘yan at magandang klaseng manok na. At nagpapanalo naman daw.
Hanggang sa maisipan na niyang mag-breed. Wala aniyang nagturo sa kanya sa tamang pag-aalaga ng manok panabong kundi nag-aral siya mag-isa, inaral niya kasi hindi naman daw siya uma-attend ng mga seminar.
Pero bago raw siya mag-breeding, nag-research muna siya kung saan maganda kumuha ng mga materyales at nanonood siya sa mga big event para makita niya kung sinong breeder ang consistent na maganda ang score at nagtsa-champion.
At nakita niya raw ‘yun kay Engr. Sonny Lagon kaya doon siya kumuha ng mga materyales na gagamitin niya sa kanyang pagpapalahi. Kaya bumili na raw siya kay Lagon ng P75,000 na isang broodcock at P25,000 na isang inahin. Naging maayos naman daw ‘yung breeding at naging maganda naman ‘yung naging resulta.
At maski ngayon ay bumibili pa rin daw siya ng mga materyales kay Lagon bagama’t may kamahalan para sa upgrading ng kanyang mga linyada.
Kumukuha rin umano siya ng imported breeding materials through Lagon. Si Lagon ang nagpupunta sa Amerika at binibili na lang niya rito, kaya nagpapasalamat siya kay Sonny kasi maganda ang ibinibigay sa kanya.
Para kay Kano, napaka-exciting ang mag-breed lalo na’t siya ang pumipili ng mga pullet at broodstag na gagamitin sa breeding, at mas nakaka-excite ‘yung makapagpalabas ka na ng sisiw.
Sa ngayon ay kilala na ‘yung farm niya at katunayan, siya lang nag-iisang local endorser ng Thunderbird sa buong lalawigan ng Rizal. Sa ngayon, marami na umano siyang buyer tulad ng mayor ng Masbate, La Union at iba pang big-time cocker sa iba’t ibang lugar.
Aniya, ang breeder ay walang kasiyahan dahil kahit mayroon na siyang winning line, mayroon na siyang magandang manok ay naghahanap pa rin siya ng iba’t ibang bloodlines, once nakatagpo siya ng bloodline na maganda, excited na ulit.
Sabi pa niya, nang mahilig siya sa sabong, gusto niya lang mag-alaga ng pailan-ilan hanggang sa dumami na, at hindi niya raw naisip na ‘yan ay magiging isang negosyo.
May 24 hectares ang kanyang farm sa Tanay at ang kanyang conditioning area naman ay nasa baba ng bahay niya sa Cardona na dati niyang manukan noong iilang piraso pa lang ang alaga niya.
Very hands on sa pagmamanok si Kano. Siya ang nagkokondisyon, nagse-set ng breeding at personal niyang iniinspeksiyon ang kanyang mga sisiw.
Aniya, matalas ang mata n’ya sa mga sisiw na tinatamaan ng sakit kaya ginagamot niya agad ito kasi once ‘yan ay nagkaproblema, ‘yung mga sisiw, kapag ‘yan ay 3 days na tinatamaan ng sakit, mahirap nang habulin ‘yan.
Sobrang masaya ang sabong. Halos lahat yata ng bayan ay may sabungan.