BAKIT NGAYON KA LANG?

KUNG ukol, bubukol. Naniniwala ako sa ka­sabihang yan. Bakit nga hindi? Napakarami kong nakasalamuhang tao na may iba’t ibang karanasan, at kabilang na ako doon.

Unahin natin si Serena Dalrymple, na nakilala ang kanyang foreigner fiancé sa isang dating app ilang taon na ang nakalilipas. Ayon sa dating child star, nakilala niya ang French na si Thomas Bredillet  sa dating app Bumble apat na taon na ang nakalilipas. Katuwaan lang daw noong una pero na-develop kaya naging sila. At heto, ikakasal na yata sila, pero hindi pa nila sinasabi kung kelan.

Isunod natin si Priscilla Zaragoza Beal, na NBSB dahil nalibang sa pagtuturo. Isa siyang magaling na guro, at kung kelan nagretiro sa edad na 65 years old ay saka lamang nakatagpo ng tunay na pag-ibig. Hindi man sila nagkaanak, masaya silang magkasama at nagmamahalan sa ngayon. Sabi nga sa kasabihan, hindi baleng last trip, basta front seat. Dahil pareho na silang retirado, pabalik-balik na lamang silang mag-asawa sa Pilipinas at sa America, at papasyal-pasyal na rin lamang saan man nila gustong pumunta.

Kakaiba rin ang love story nina Charito Abas at ng asawa niyang si Michael na isang New Zealander. Dating apps din sila nagkakilala, sa panahong hindi na inaasahang magkakaroon pa siya ng second chance. Nagkaroon ng asawa si Charo at nagkaroon ng mga anak ngunit hindi siya pinakasalan hanggang sa namatay ito. Wala man siyang pinagsisisihan, naroon pa rin ang pakiramdam na parang mayroong kulang. Kahit sinong babae ay nangangarap ng kasal.

Ito ang ibinigay sa kanya ni Michael. Sa mismong ika-56 niyang kaa­rawan noong December 12, 2016 ay pinakasalan siya ni Michael sa isang simpleng civil rites. Ito ang kumumpleto sa kanyang mga pangarap.

Nang tanungin namin siya kung ano ang gagawin niya matapos ang kasal, sumagot siya ng: “Aba, ewan ko! Ngayon lang ako ikakasal. Ano ba dapat?”

Hindi naman siya nagsisi sa kanyang desisyong pagpapakasal dahil naging mabuting asawa naman sa kanya si Michael. Dinala siya nito sa New Zealand upang doon manirahan, ngunit nang mapuna nitong na­lulungkot siya ay bumalik sila sa Pilipinas, bumili ng malaking bahay sa Bulacan, at doon na inabot ng pandemya. Ngunit kahit nasaan pa sila, basta lagi silang magkasama, ay lagi silang masaya.

Lastly, ang inyong lingkod. Sa dating apps ko rin nakilala ang         aking asawang si Wayne Martin, matapos ang tumultuous experience in a relationship sa isang young love na nagbigay sa akin ng dalawang pretty daughters. Hindi man ako nagsisisi sa  aking nakaraan, masasabi kong ang kasalukuyang pag-ibig ang inspirasyon ko sa buhay.

Minsan marahil, katulad ko, natatanong din nina Serena, Priscilla at Charito kung bakit kailangan munang pagdaanan ang mga pinagdaanan namin bago matagpuan ang tunay na mamahalin. Bakit nga ba ngayon ka lang?

Pero ayoko nang magtanong. Ang mahalaga, andito na sila at kami ang napili nila. KAYE NEBRE MARTIN