WALA na bang iba pa, sila-sila na lang ba?
Ito ang madalas na itanatanong sa akin kung bakit parang family corporation na raw ang tingin sa eleksiyon, ibig sabihin, iisang pamilya o angkan na lamang ang tumatakbo, humahawak ng posisyon sa gobyerno.
Parang may titulo na sila sa puwesto.
May nakalagay pong probisyon sa Cory Aquino Constitution na nagbabawal sa political dynasty, pero ang problema, wala namang iniharap at pinagtibay na batas ang Kongreso (House of Representatives at Senate) na nagbibigay ng malinaw na definition kung ano ba ang political dynasty, at kung sino-sino lamang sa magkakapamilya ang puwede o hindi puwedeng tumakbo o maipuwesto sa national and local government.
Pati nga ang partylist ay gusto na ring ipaalis, kasi nagagamit lang daw ng mga rebelde para mapasok ang gobyerno, at ang mga talunan at itinakwil nang pulitiko na makabalik sa puwesto, gamit ang partylist.
Nawala na ang tunay na diwa ng partylist system na ‘yung mga marginalized o walang tinig at walang poder ay mabigyan ng boses at kapangyarihan na maiangat ang kanilang sektor.
Wala tayong magagawa sa kasalukuyan tungkol sa reklamong bakit nanatili ang pami-pamilyang nakaupo sa maraming puwesto sa gobyerno, ito ay hanggang walang batas tungkol dito at maaasahan ba natin ang mga politiko na gumawa ng mga batas na kontra sa kanilang interes?
Sa totoo lang, may mabuti at masama sa family dynasty ng mga politiko: mabuti kung matatapat sila sa kanilang tungkulin, at ito ay maganda sa kanilang nasasakupan, pero kung mapagsamantala at pagpapayaman lamang ang ginagawa ng mga pamilyang politiko, tunay ngang parang nasa impiyerno ang mamamayan.
o0o
Sabi ay may mali sa presidential form of government natin, at dapat na itong palitan ng federal o parliamentary form of government, at sabi pa, sobra ang demokrasya sa Pilipinas at para tayo ay umasenso, kailangan ang lider na may political will at kamay-na-bakal.
Sabi ay wala tayong patriotismo na tulad ng mga Koreano o ng mga Hapones.
Watak-watak tayo: walang pagkakaisa at lahat na lang ng pangulo ay kinontra ng oposisyon at wala ni isa sa kanila ang todong sinuportahan ng mamamayan.
Pag maluwag ang pangulo, rally, batikos, impeachment at mga akusasyon ang ibinabato; at gayundin, pag mahigpit, diktador, korap, mapang-api at pilit na pinatatalsik.
Sala sa lamig, sala sa init, kumbaga.
Bunga niyan, napag-iwanan na tayo ng Vietnam na dinurog ng may 30 giyera ng US na ngayon ay kaybilis ng pag-unlad kasi nakikipagkaisa ang mamamayan sa kanilang lider.
Ang South Korea na winasak ng giyera, napakaunlad na, lalo na ang Japan na dalawang bomba Atomika ang pumulbos dito pero ngayon ay isa sa super power sa ekonomya, industriya at militar.
Tingnan ang Taiwan, isang munting probinsiya ng China na ngayon ay isang malakas at nagsasariling bansa.
Kung yaman at yaman din lang, mas mayaman ang lupa natin sa Israel na walang matabang lupa at masaganang tubig na tulad ng Pilipinas pero exporter ng mga pagkain.
Wala tayong food security gayong talo natin ang ibang bansa sa klase ng lupa natin na kaybilis na magpatubo ng halaman, pero tayo ay kapos sa pagkain.
Napakalawak ng ating dagat, lawa at katubigan na sagana sa yamang isda at iba pang pagkain at mineral, pero tayo ay nag-iimport ng isda at iba pang pagkaing mula sa pangisdaan.
Ano ba ang ating problema at sa kabila ng ipinangakong ginhawa at pagbabalik ng demokrasya ng EDSA Uno, walang nangyari at naghihirap tayo matapos ang mahigit na 30 taon.
Ito ang tanong ng marami, ano na?
o0o
At ngayong naririto pa ang pandemyang COVID-19, sunod-sunod na kalamidad, pinakahuli ay bagyong Odette na libo-libong pamilya sa Visayas at Mindanao ang nagpasko na walang bahay, namatayan ng kapamilya, nagugutom, maysakit at wala na halos pag-asa.
Salamat at buhay na buhay ang bayanihan, at wag nang politikahin pa ang mga tulong na ibinibigay ng mga presidential aspirants; wag nang batikusin kung pagpapabida o ginagamit ang donasyon at tulong para makahikayat ng boboto.
Tulong-tulong tayo: yung angat sa buhay, mag-share dahil hindi naman mababawasan ang kanilang yaman; ang walang-wala, dalangin, mag-volunteer sa rescue at rehabilitation efforts; ang mga tambay, wag nang makigulo; itigil na muna ang batikusan.
Sa ating lahat, peace, happiness, more love, pagtitiwala sa Diyos, sa kabutihan ng kapwa ang sana ay lumaganap ngayong Yuletide season.
At higit sa lahat, maraming salamat sa ating buhay – na sa kabila ng maraming kakulangan, nananatili ang ating pagtitiwala, sa dilim ay may liwanag na aasahan, at ang hirap ay ‘di magtatagal, giginhawa rin tayo, magtiis lamang, manalig lamang sa ating Amang Diyos at sa pag-ibig ni Hesu-Kristo.
Amen.
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksiyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].