NAUNGUSAN na ng tinatawag na “poor man’s fish” na galunggong ang presyo ng karneng manok at baboy. Kung dati-rati ay naglalaro lang sa humigit kumulang P100 ang kada kilo ng galunggong, ngayon ay umaabot na ang presyo nito sa P300 sa ilang pamilihan.
Ito ang nagtulak sa pamahalaan para magdesisyong mag-import ng nasa 45,000 metriko toneladang galunggong mula China at Vietnam, na anila’y sagot sa patuloy na paglobo ng presyo ng naturang isda.
“Mahirap makuha ang galunggong, walang makuhang isda ngayon… Nagmahal pa po talaga, frozen pa po ‘yan ah,” hinaing ng isang tindera.
“Kasi po walang mapagkukuhanan, imported po talaga ang galunggong kasi walang sariwa eh, ipinagbawal nilang manghuli sa dagat… Sabi nila kaya bawal manghuli sa dagat kasi pinaparami para pag summer maraming mahuli,” paliwanag naman ng isa.
PALIWANAG NG PAMAHALAAN
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), natural lang daw na walang isda kapag umuulan.
Limitado rin umano ang labas ng mangingisda kapag bumabagyo.
Nag-ambag pa sa kakulangan ng suplay ang pagpapatupad ng fishing ban sa Palawan na pinagmumulan ng 90 porsiyento ng galunggong sa bansa.
“Walang isda kapag may ulan, mayroong bagyo. Limitado ang labas ng mga mangingisda dahil malakas ang tubig, very dangerous sa kanila ‘yon,” ani BFAR Director Eduardo Gongona.
Gayunpaman, hindi naman gumagalaw ang presyo ng iba pang Pinoy staples na bangus at tilapia dahil hindi naman umano ito galing sa dagat.