BAKSINASYON SA GIGA-MOA SINUSPINDE

PANSAMANTALANG sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang pagbibigay ng bakuna sa ilalim ng “Vacc to the Future” vaccination program ng lungsod sa Giga Vaccination Center sa SM Mall of Asia (MOA) simula nitong Lunes.

Pansamantalang itinigil ang pagtuturok ng bakuna sa MOA Giga Vaccination Center matapos i-report ni City Health Office (CHO) Dra. Malou Ocampo sa mababang turnout ng indibidwal na nagtutungo sa lugar na umaabot na lamang ng kulang sa 100 indibidwal kada araw.

Sa kabila ng pansamantalang pagsuspinde sa iskedyul ng COVID-19 jabs sa Giga Vax site sa MOA, patuloy naman ang pagbibigay ng bakuna sa una at ikalawang dose laban sa COVID-19 para sa mga tsikiting na nasa 5 haggang 18 taong gulang sa 13 health centers sa lungsod.

Bukod sa patuloy na pagbibigay ng bakuna sa mga tsikiting, patuloy din ang pagtuturok ng booster shots sa mga nasa edad 18 taong gulang pataas kabilang ang pagtuturok ng ikalawang booster shot para sa mga immunocompromised na indibidwal sa 13 health centers sa lungsod.

Magiging mas madali naman para sa mga residente ang kanilang pagpapaturok ng bakuna dahil mas malapit na lamang ang kanilang pupuntahan para sa kanilang pagpapabakuna.

Patuloy pa ring tumatanggap ng walk-ins sa health centers pati na rin ang mga hindi residente ng lungsod habang pinayuhan naman ang mga residente na magtungo sa health centers na malapit sa kanilang mga lugar para sa iskedyul ng takdang araw at oras ng kanilang baksinasyon. MARIVIC FERNANDEZ