BAKUNA KONTRA COVID-19 HINDI DAPAT KATAKUTAN

JOE_S_TAKE

PATULOY pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong ika-25 ng Abril, nasa 997,523 na ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Filipinas. Tiyak na sa susunod na mga araw ay aabot na sa isang milyon ang kabuuang bilang na ito.

Bagaman patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa,  patuloy rin ang pagsusumikap ng pamahalaan na makakuha ng sapat na bilang ng bakuna para sa mga mamamayang kwalipikadong mabakunahan kontra COVID-19.

Noong April 22 ay dumating sa bansa ang karagdagang batch ng dosis ng bakuna ng Sinovac na may bilang na 500,000. Bunsod ng pag-dating ng batch na ito, umangat sa 3.525 milyon ang bilang ng bakuna kontra COVID-19 na dumating sa bansa. Sa kabuuang bilang na ito, 1.6 milyon ang naipamahagi na.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., 100,000 sa kabuuang bilang ng dumating na dosis mula Sinovac ang nakatakdang ipamahagi sa Metro Manila sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw. Dagdag pa ni Galvez na inaasahan ding tataas ang bilang ng pumapasok na dosis ng bakuna sa bansa sa Mayo. Tinatayang aabot sa pito hanggang walong milyon ang papasok na dosis ng bakuna sa bansa sa nabanggit na buwan. Mayroon ding posibilidad na makakuha ang pamahalaan ng karagdagang supply ng bakuna mula sa COVAX bago matapos ang Hunyo. Ang karagdagang supply na ito ay tinatayang may bilang na 10 hanggang 15 milyong dosis.

Sa paliwanag ni Galvez, ang malawakang paggawa ng bakuna kontra COVID-19 ay naapektuhan ng pagtaas ng kaso nito sa mga bansa kung saan ginagawa ang bakuna, gaya ng bansang India at ng Europe. Noong ika-26 ng Abril ay umabot sa higit 350,000 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa  India.

Ayon kay Galvez, sa kabuuang bilang na 170 milyong dosis ng bakuna kontra COVID-19 na inaasahang papasok sa bansa, 18 hanggang 23 milyong dosis ang tinatayang binili ng mga miyembro ng pribadong sektor mula sa AstraZeneca, Moderna, at Novavax.

Ang lahat ng indibidwal na kwalipikadong mabigyan ng bakuna ay hinihikayat na magpabakuna bilang proteksiyon kontra COVID-19. Sa kabila ng panganib ng pagkakaroon ng hindi inaasahang negatibong epekto ng bakuna, mas mainam pa rin ang magkaroon ng karagdagang proteksiyon. Ang pagkakaroon ng takot ay maituturing na normal na bagay, ngunit sa kabila ng takot na ito ay dapat matuto tayong magtiwala sa mga eksperto na siyang nagbibigay ng pahintulot at rekomendasyon ukol sa paggamit ng bakuna.

Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director-General Eric Domingo, sa kabuuang bilang na isang milyong indibidwal na nabigyan ng bakuna, 24 na indibidwal ang naitalang pumanaw matapos makatanggap nito. Paliwanag naman ni Domingo, ang pagpanaw ng naturang mga indibidwal ay nagkataon lamang. Ang mga pumanaw ay mayroong mga idineklarang comorbidity. 10 sa mga pumanaw ay nakatanggap ng dosis ng Sinovac, at 14 naman ay nakatanggap ng dosis mula sa AstraZeneca.

Dagdag pa ni Domingo, nang suriin ng National Adverse Event Following Immunization Committee (NAEFIC) ang mga nangyaring pagpanaw, ang pagpanaw ng 19 na indibidwal ay walang kinalaman sa natanggap na bakuna. Tatlo ang hindi pa matukoy ang dahilan ng pagkamatay, at ang iba ay kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon.

Ayon sa datos ng mga awtoridad sa usaping pangkalusugan, kasalukuyang nasa bilang na 24,698 ang kaso ng hinihinalang pagkakaroon ng hindi magandang epekto ng bakuna. Ang naitalang bilang ay katumbas ng 2.45% lamang ng kabuuang bilang ng nabigyan ng bakuna. Ayon kay Domingo, ang kabuuang bilang ay binubuo ng 7,044 na kaso para sa CoronaVac at 17,654 na kaso naman para sa AstraZeneca. 24,330 sa mga ito ay maituturing na hindi malala ang karanasan, at 344 naman ang malala ang kaso.

Kabilang sa mga itinuturing bilang hindi malalang karanasan ay ang pagsakit ng ulo, pagtaas ng blood pressure, pagsakit ng bahagi ng katawan na binakunahan, pagkahilo, at pagkakaroon ng rashes at lagnat. Samantala, ang mga malalang kaso ay yaong mga kinakailangang mamalagi sa ospital at nag-aagaw-buhay, pagkakaroon ng kapansanan, at pagdanas ng birth defect at fetal malformation.

Binigyang-diin ni Domingo na bagaman  mayroong mga panganib na maaaring idulot ang pagpapabakuna, hindi hamak na mas matimbang pa rin ang benepisyo nito.

Sa kasalukuyang datos ng DOH at ng National Task Force, mula ika-20 ng Abril, 1.3 milyong dosis na ng bakuna ang naipamahagi bilang unang dosis, at 209,456 na indibidwal naman ang nakatanggap na ng ikalawang dosis ng bakuna.

Ayon kay Galvez, sa mga buwan ng Oktubre at Nobyembre inaasahang makikita ang epekto ng programang pagbabakuna sa bansa. Inaasahan na sa mga buwan na iyan ay nakatanggap na ng bakuna ang mga residente ng mga itinuturing na ‘highly urbanized cities’ gaya ng Metro Manila.

Ayon sa United Nations Children’s Fund (Unicef), ang mga petsa mula ika-24 ng Abril hanggang ika-30 ng Abril ay itinuturing na World Immunization Week. Ang bakuna ang maituturing na pinaka-progresibong produkto ng modernong medisina. Milyon-milyong buhay ang naili-ligtas ng mga bakuna laban sa iba’t ibang sakit.

Sa pagdiriwang ng ika-75 na anibersaryo ng UNICEF, nanawagan ito sa pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbabakuna laban sa mga sakit, pamumuhunan sa mga pasilidad, training, at datos. Nanawagan din ito ukol sa patas na pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19, at sa pagpapaigting ng tiwala sa bakuna. Gayon din, nanawagan ang UNICEF sa iba’t ibang miyembro ng lipunan, sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga magulang, mga guro, mga social worker, influencer, at mga kabataan na suportahan ang pagpapabakuna. Binigyang-diin ng ahensiya na ang pagpapabakuna ay responsibilidad ng lahat.

Ang bakuna kontra COVID-19 ay hindi dapat katakutan. Anuman ang tatak at anuman antas ng bisa nito, maituturing pa rin itong ka-ragdagang proteksiyon para sa bawat indibidwal. Sa pamamagitan ng pagpapabakuna, bukod sa proteksiyon sa sarili ay para na rin nating binigyan ng proteksiyon ang bawat isa. Malaking tulong ito upang mabilis na makabangon ang ating ekonomiya, at upang muling makabalik sa normal na takbo ng ating buhay.

Ang pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19 ay katumbas ng pagkakaroon ng pagkakataon na tuldukan ang pandemyang ito. Ito ay katumbas ng pagkakataon na maibalik ang ating buhay sa normal na pagtakbo nito. Mayroon nang solusyon, ang kulang na lamang ay ang pagtanggap natin dito. Huwag tayong matakot. Magpabakuna tayo.

5 thoughts on “BAKUNA KONTRA COVID-19 HINDI DAPAT KATAKUTAN”

  1. 259135 149918Official NFL jerseys, NHL jerseys, Pro and replica jerseys customized with Any Name / Number in Pro-Stitched Tackle Twill. All NHL teams, full range of styles and apparel. Signed NFL NHL player jerseys and custom team hockey and football uniforms 259226

  2. 156775 519849Extremely excellent written article. It will be helpful to anybody who usess it, including myself. Maintain up the very good function – canr wait to read more posts. 411838

Comments are closed.