BAKUNA KONTRA COVID-19 SA ANYO NG NASAL SPRAY BAGONG PAG-ASA

JOE_S_TAKE

HABANG tumatagal, ang pagsusumikap ng mga siyentista at iba pang eksperto na labanan ang SARS-CoV-2, ang virus sa likod ng pandemyang COVID-19, ay nagreresulta sa iba’t ibang uri ng makabagong pamamaraan sa paglaban sa virus.

Kamakailan lamang ay napabalita ang tungkol sa pagsisismula ng ikatlong bahagi ng clinical trial ng mga COVID-19 antiviral pill. Ngayon naman ay pinag-uusapan ang ukol sa posibilidad ng pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19 sa anyo ng nasal spray.

Ang SARS-CoV-2 ay isang respiratory virus. Ito ay nangangahulugan na ang paborito at pangkaraniwang dinaraanan nito papasok sa katawan ng isang indibidwal ay sa ilong. Ito ang dahilan kung bakit ang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) ay isinasagawa sa pamamagitan ng nasal swab.

Gaya ng COVID-19 antiviral pill, inaasahang magiging malaking tulong ang bakuna sa anyo ng nasal spray at makapagbibigay ng malaking kaginhawaan sa mga ospital. Kaiba kasi sa karaniwang bakuna na kailangan iturok ng doktor o ng nars, ang bakuna sa anyo ng nasal spray at antiviral pill ay hindi na nangangailangang pangasiwaan ng mga healthcare professional. Sa katunayan, maaari raw itong inumin o i-spray pag-uwi sa bahay. Malaking tulong din ito lalo na para sa mga indibidwal na nais magpabakuna kontra COVID-19 ngunit takot sa iniksyon o may problema ukol sa blood clotting.

Ayon sa World Health Organization (WHO), kasalukuyan nang isinasagawa ang clinical trial para sa walong magkakaibang COVID-19 nasal spray. Ang nangunguna sa progreso ay ang Xiamen University ng China, University of Hong Kong, at ang Beijing Wantai Biological Pharmacy na nagtapos na sa ikalawang bahagi ng kanilang clinical trial.

Batay sa pahayag at paliwanag ng researcher ng Lille Pasteur Institute na si Nathalie Mielcarek, dahil karaniwang sa ilong dumadaan ang virus, ang pagkakaroon ng nasal spray ay magsisilbing pang-sara sa daraanan ng naturang virus. Ayon naman sa isang artikulong inilabas ng Scientific American noong Marso, pinaniniwalaang mas mabilis ang epekto ng bakuna sa anyo ng nasal spray dahil direkta ito sa sipon ng indibidwal na may COVID-19. Ang paggamit ng nasal spray ay magtutulak sa paglabas ng antibody o panlaban sa virus na kilala sa tawag na immunoglobulin A, na may kakayahang harangin ang impeksyon.

Dagdag pa ni Mielcarek, dahil sa ilong pinadaan ang bakuna, napapababa nito ang panganib ng pagkalat ng virus sa ibang tao. Bilang resulta, kakaunti ang virus na makaaapekto sa baga ng pasyente. Ito ay nangangahulugan na bababa rin ang bilang ng mga severe cases ng COVID-19 dahil sa pagbaba ng viral load ng pasyente.

Sa pag-aaral na isinagawa ng French Institute na inilahad nito noong nakaraang linggo, gamit ang mga daga bilang test subject, napag-alaman nila na 100% ng mga may bakuna gamit ang nasal spray ay gumaling mula sa pagkakasakit ng COVID-19, habang ang mga hindi binakunahan ay nasawi. Mababa ang viral load ng mga dagang nabakunahan gamit ang nasal spray at wala na ito sa lebel na maaaring makahawa sa iba.

Dito sa Asya, ang bansang Thailand ay mayroon ding ginagawang bakuna kontra COVID-19 sa anyo ng nasal spray. Ayon sa pamahalaan ng Thailand, umaasa sila na masisimulan na ang human trial ng nasabing nasal spray sa pagtatapos ng taon matapos ito magpakita ng positibong resulta nang subukan sa mga daga. Hinihintay na lamang nila ang pahintulot mula sa food and drug authority ng kanilang bansa. Ayon kay deputy government spokeswoman Ratchada Thanadirek, ang bakuna na ginawa ng National Center for Genetic Engineering and Biotechnology ay binase sa adenovirus at influenza.

Ang ideya ng bakuna sa anyo ng nasal spray ay hindi naman bago, kung tutuusin. Mayroong ganitong uri ng bakuna kontra sa influenza virus na nasa merkado na mula pa noong 2003. Subalit ang usapin ukol sa bakuna kontra COVID-19 sa anyong hindi kinakailangang pangasiwaan ng mga healthcare professional ay malaking bagay. Tiyak na hirap na hirap at pagod na pagod na ang mga healthcare worker sa buong mundo sa labing-walong buwang pakikipaglaban sa virus. Anumang bagay o hakbang na makagagaan sa bigat ng kanilang dinadalang trabaho sa kasalukuyan, gaya ng bakuna sa anyo ng nasal spray, ay dapat ituring na tagumpay.

Ang patuloy na pagsulpot ng iba’t ibang variant ng COVID-19 ay nagdadala ng matinding hamon hindi lamang para sa mga healthcare worker kundi pati na rin sa mga siyentista at eksperto na patuloy nagsusumikap na makahanap at makagawa ng permanenteng solusyon na makakapag-kontrol sa pagkalat ng virus. Subalit, sa bawat mutation nito ay tila mas nagiging agresibo ang virus kaya’t ang mga gumagawa ng bakuna ay napipilitan ding gumawa ng mas malakas at mas epektibong bersyon ng mga kasalukuyang bakuna. Sa oras na mabigyan ng pahintulot ang nasal spray, sana ay magkaroon agad ng access dito ang Pilipinas. Nawa’y maging maagap at agresibo ang pamahalaan ukol dito dahil tiyak na malaking tulong ito sa mga healthcare worker sa ating bansa.

3 thoughts on “BAKUNA KONTRA COVID-19 SA ANYO NG NASAL SPRAY BAGONG PAG-ASA”

Comments are closed.