PINALAWIG pa ng Department of Health (DOH) ang kanilang Sabayang Patak Kontra Polio (SPKP) sa Mindanao at National Capital Region (NCR) hanggang sa Abril.
Sa NCR ay magkakaroon ng dalawang rounds ng pagbabakuna sa Enero 7 hanggang 27 at Marso 9 hanggang 20 ng taong ito habang sa Mindanao naman, ang pagbabakuna ay gagawin mula Enero 6 hanggang 12 sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga City, Isabela City, at Lambayong, Sultan Kudarat.
May dalawang karagdagang rounds din na gagawin sa lahat ng rehiyon sa Mindanao mula Pebrero 17 hanggang Marso 1 at Marso 23 hanggang Abril 4, 2020.
Kaugnay nito, patuloy naman na umaapela si Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na makiisa sa maramihang patak kontra polio para mawakasan na ang polio outbreak sa bansa.
“We need the participation of everybody to successfully end this outbreak – other government agencies, the local government units, partners, our local health workers and bakunators,” ayon kay Duque.
Sa pagpapalawig ng bakuna kontra polio, target ng DOH na masakop ang kahit 95% ng lahat ng lugar sa bansa at matiyak na lahat ng bata na nasa edad limang taon pababa ay nabigyan ng oral vaccine.
Batay sa datos ng DOH, walo ang naitalang kaso ng polio sa bansa at karamihan rito ay sa Mindanao. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.