NANAWAGAN si Senador Nancy Binay sa Health Department at local government units na gumawa ng mga estratehiya at life-saving interventions para mabawasan ang bilang ng mga bata na hindi nakatanggap ng anumang regular na bakuna.
Ayon kay Binay, ang pag-target sa mga zero-dose na bata at pagpapabuti ng regular na “patak” immunization coverage sa barangay-at school-levels ay maaaring maging kritikal na hakbang sa pag-abot sa hindi pa nabakunahan at bulnerableng kabataang populasyon.
“Sobrang nakakabahala ang balita ng UNICEF. Sa ngayon, parang isang milyong bata ang ‘at risk and unprotected’ dahil wala sila ni isang bakuna,” ayon kay Binay.
“And with the resurgence of many other diseases plus the new Covid variants, talagang government has to step-up efforts in improving our immunization status. The DOH may also need to revamp its ‘patak’ strategies, and place a stable machinery to ensure the vaccination of one million children in two years max,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon sa UNICEF, ang Pilipinas ang nasa ika-5 “zero-dose” na bansa sa mundo at ang pangalawa sa pinakamataas sa Silangang Asya at Rehiyon ng Pasipiko na may isang milyong bata na nawawala sa regular na pagbabakuna.
“Marami pa ring underserved communities, at ang critical link ng surveillance chain eh ang mga barangay. Para may katuwang ang DOH, the LGUs must likewise scale up its response via information campaign to help the public’s vaccine confidence and deal with the level of community resistance against having their children vaccinated,” giit ni Binay.
Sinabi ng senador na dapat ipagpatuloy ng parehong pambansa at lokal na pamahalaan ang mga regular na programa ng pagbabakuna upang matugunan ang mga hadlang at maiwasan ang krisis sa kaligtasan ng bata. LIZA SORIANO