NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga magulang at guardians na pabakunahan na ang kanilang mga anak bilang proteksyon ngayong selebrasyon ng Kapaskuhan.
Kapuna-puna, ayon sa alkalde ang bilang ng mga batang nabibilang sa lima hanggang 11 na nabakunahan na ay napakababa at ito ay hindi gaya ng inaasahan.
Ang kabuuang bilang pa lamang ng mga ito, ayon pa sa alkalde ay 153,810 at ang pinakahuling dalawang-linggong bakunahan ay nakapagtala lamang ng two digits na bilang.
Ang kabuuang bilang ng bakuna na naibigay naman sa mga kabataan na edad 12 hanggang 17 ay 315,421.
“If you wll notice, mababa ang vaccination rate sa 15 to 11 years old kaya hinihikayat ko ang mga magulang, kung gusto n’yong ipasyal ang inyong mga tsikiting lalo na dahil magpa-Pasko, ibili sila ng bagong damit, sapatos at regalo, pabakunaham nuna natin sila nang sa gayun, kahit kayo mamasyal nang mamasyal, alam nating me proteksyon sila kahit paano sa COVID-19,” anang alkalde.
Samantala, maganda naman ang bilang ng mga adults na nagpabakuna sa kauna-unahang pagkakataon.
Nitong Nobyembre 25, sinabi ng alkalde na mayroong 452 indibidwal ang nagpabakuna ng kanilang first dose.
Ibinahagi rin ni Lacuna na ang bilang ng mga nakatatakdang nagpaturok ng kanilang booster ay tumaas na rin.
Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng bakuna na na-administered ng pamahalaang lungsod ay umabot na sa 3.8 million, ito ay napakataas para sa lungsod na ang populasyon ay dalawang milyon lamang.
Muli ay nanawagan si Lacuna sa mga residente na ipagpatuloy ang pagtalima sa minimum health protocols, ito ay dahil na rin sa papataas na bilang ng COVID cases sa Maynila.
“Sayang dahil napababa na natin ito dati. So,ibayong pag-iingat lang po,” sabi pa ng alkalde. VERLIN RUIZ