LA UNION- KATUWANG ang Department of Health, inilunsad sa Ilocos region partikular sa Agoo sa lalawigang ito ang “Rekorida Bakuna Campaign” upang mapalakas pa ang community health sa pamamagitan ng pagsusulong ng pagbabakuna at mahikayat ang mga magulang at caregivers na matiyak ang complete routine immunization para sa kanilang mga anak at inaalagaan na may edad 0 hanggang 5.
Idiniin ni Regional Director Paula Paz M. Sydiongco ang kahalagaan ng routine vaccination sa kabataan at paghikayat sa mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga sanggol upang matiyak ang kalusugan ng mga ito at malayo sa mga sakit gaya ng pertussis, polio at iba pa.
“Fifty years na pong namimigay ng libreng bakuna ang DOH at napatunayan po natin na ang mga bakunang binibigay ng ating gobyerno ay ligtas at dekalidad. Kaya tangkilikin po natin ang mga ito at ipabakuna ang ating mga anak sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar upang sila ay mabigyan ng proteksiyon laban sa sakit,” ayon kay Sydiongco.
Kabuuang 200 kabataan sa 49 barangay sa Agooang target na mabakunahan sa paglulunsad ng Bakuna Recorida na ikinasa sa Jose D. Aspiras Civic Center nitong Abril 23.
Tiniyak naman ni Agoo Mayor Frank Ong Sibuma na ipagpatuloy ng kanyang bayan ang suporta sa public health program ng DOH gaya ng immunization campaign activities.
Ang “Rekorida Bakuna” ay kampanya ng nasabing pamahalaang lokal katuwang ang DOH na naglalayong makamit ang 95% immunization coverage laban sa vaccine-preventable diseases. EC