SISIMULAN na ng pamahalaang lokal ng Pasay ang COVID-19 vaccination para sa mga bata na nasa edad 5 hanggang 11 na mayroong comorbidities sa Pebrero 7 na gaganapin sa out-patient department (OPD) ng Pasay City General Hospital (PCGH).
Ang mga magulang ng mga bata sa nabanggit na age group na magpadala ng mensahe sa text sa numerong 0956-273-4495 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon para mapasama ang mga ito sa listahan na matuturukan ng COVID-19 vaccine.
Matapos ang pagpaparehistro ay makatatanggap ang mga magulang ng sagot sa text na magkukumpirma sa iskedyul kung saan at kailan magtutungo sa vaccination site ang kanilang mga anak.
Pinaalalahanan din ang mga magulang o tagabantay ng mga bat ana may comorbidities na kumuha ng medical certificate o clearance mula sa kanilang doctor, health centers o sa PCGH na magpapatunay na maaaring maturukan ng Pfizer vaccine ang kanilang mga anak.
Para naman sa mga magulang na nagnanais makakuha ng clearance sa PCGH ay maaaring tumawag sa 09184873381 o 09366647848 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-12 lamang ng tanghali para sa kanilang harapang iskedyul ng ala-1 ng hapon at dala na rin nila ang birth certificate ng kanilang anak na tatanggap ng bakuna.
Gayundin, ang mga magulang na pipirma sa consent form ay kailangan din na magdala ng kanilang valid ID na magpapatunay na sila ang tunay na magulang ng kanilang mga anak na pagkakalooban ng COVID-19 vaccine kasama ng medical certificate ng bata. MARIVIC FERNANDEZ