PILIT na tatapusin ng hanggang katapusan nitong buwan Nobyembre ng lokal na pamahalaan ng Las Pinas ang pagbabakuna sa mga nagparehistrong 45,000 kabataan na napapabilang sa general pediatric population na nasa 12 hanggang 17 taong gulang.
Ito ang napag-alaman sa pagpupulong sa buong team na nagsasagawa ng vaccination roll out ng pediatric population kung saan hiniling ang karagdagang pagsisikap para maabot ang target na maturukan ng bakuna laban sa COVID-19 ang lahat ng 65,000 kabataang populasyon ng lungsod.
Sa naturang pagpupulong, inireport nina Dra. Julie Gonzales, officer-in-charge of the City Health Office (CHO) at City Immunization Program Coordinator Dra. Eleen Gumpal ang kanilang isinasagawang pagtuturok ng bakuna sa 6,000 kabataan kada araw sa pitong vaccination sites sa lungsod.
Ayon kay Dra. Gonzales, ang kasalukuyang kapasidad sa bilang ng kabataan na tumatangggap ng bakuna kontra COVID-19 ay 600 sa SM Center Las Pinas at 800 naman sa SM South Mall kung saan dadagdagan na nila ito at gagawing 1,000 kabataan sa kada araw.
Kaya’t panawagan sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 na samantalahin ang pagkakataon at agad na pagpabakuna sa ilalim ng “Ligtas na Las Pineros, Lahat Bakunado” program ng lokal na pamahalaan.
Gayundin, sinisiguro na walang masasayang sa mga inangkat na bakuna ng lokal na pamahalaan at ang lahat ng mga ito ay magagamit para sa pagbabakuna sa mga residente ng lungsod.
Idinagdag pa na patuloy ang panghihimok hindi lamang sa mga kabataan na napapabilang sa general public pediatric population kundi sa lahat ng mga hindi pa bakunadong residente ng lungsod na gawing kapaki-pakinabang ang libreng bakuna na iniaalok ng lokal na pamahalaan laban sa COVID-19 para na rin sa kanilang sariling proteksyon at kaligtasan. MARIVIC FERNANDEZ