BAKUNA SA MENINGO ILILIBRE 

Bakuna

BUNSOD ng mga naitatalang insidente ng meningococcemia, partikular sa Laguna at Batangas, pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) kung isasama na ang bakuna laban sa meningococcemia sa mga bakunang ibinibigay nang libre ng pamahalaan.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sa ngayon ang meningococcal vaccines ay hindi pa kasama sa mga bakunang libreng iniaalok sa mga Filipino.

Ngunit pag-aaralan kung isasama na rin ito sa mga libreng bakuna sa mga health center gaya ng tuberculosis, polio, diphtheria, tetanus, pertussis at measles o tigdas.

Una nang iniulat ng DOH-Epidemiology Bureau (EB) na umabot na sa 169 ang naitala nilang nasawi dahil sa meningococcemia ngayong taon.

Gayunman, nilinaw ng DOH na mababa pa rin ang attack rate nito at wala ring outbreak ng sakit.

Aminado naman si Duque na hindi pa rin matukoy kung saan nanggagaling ang bacteria na ito, ngunit 10 porsiyento ng populasyon ay mayroon nito sa loob ng ilong.

Naililipat aniya ito sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing, kaya mahalaga ang tamang hygiene at pagtakip ng ilong at bibig kung mauubo o mababahing. ANA ROSARIO HERNANDEZ