ITINAKDA na ng Department of Health (DOH), sa pakikipag-kooperasyon sa local government units (LGUs), sa Oktubre 26, ang pag-daraos ng national anti-measles at polio supplemental vaccination program sa bansa.
Ayon sa DOH, ang mga batang nagkakaedad ng 9-59 buwang gulang ay bibigyan ng bakuna laban sa measles-rubella vaccine habang ang mga edad 0-59 buwan naman ay bibigyan ng oral polio vaccine.
Nabatid na ang Phase 1 ng immunization program ay idaraos sa Oktubre 26 hanggang Nobyembre 25 sa Mindanao Regions, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley Region, Mimaropa, at Bicol Region habang ang Phase 2 naman ay sisimulan sa Pebrero 2021 sa Visayas Regions, National Capital Region, Central Luzon, at Calabarzon.
Kaugnay nito, hinikayat ng DOH ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maiiwas sa karamdaman.
“Despite the COVID-19 pandemic, a high-quality immunization activity is urgently needed to avert a possible measles outbreak in 2021 and halt the ongoing polio recirculation in communities. We encourage parents and caregivers to have their children immunized,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Sinabi ng DOH na ang programa ay inaasahang pakikinabangan ng may 2.4 milyong paslit na nasa edad limang taong gulang pababa, upang hindi sila dapuan ng tigdas na may kasamang kumplikasyon gaya ng pneumonia, impeksiyon sa tenga, pagkabulag, matinding pagtatae at pamamaga ng utak.
Samantala, ang polio naman ay maaaring magdulot ng pagkakaroon ng pang-habambuhay na kapansanan ng isang bata, at maaaring magdulot rin ng lagnat, paninigas ng leeg, panghihina ng kalamnan at kalaunan ay pagkaparalisa.
“Makikita po natin ang ating kahandaan ng programa upang bigyan ng angkop na proteksiyon ang mga bata, lalong lalo na po ngayon na may pandemya tayo,” ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang online forum.
Aniya pa, libre ang bakuna na magiging pangmalawakang depensa ng mga bata sa mga nakakahawa at malulubhang sakit na maaaring mag-dulot ng pagkamatay at kapansanan.
Dahil naman mayroong pandemic, sinabi ng DOH na ang immunization program ay hindi magiging door-to-door at sa halip ay isasagawa sa modified at facility-based fixed posts sa mga komunidad, gaya ng mga basketball courts, multi-purpose halls. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.