BAKUNA SA POLIO SAPAT – DOH

bakuna sa polio

TINIYAK ng Department of Health (DOH) na sapat ang suplay ng bakuna kontra polio sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo,  magsasagawa ng pulong ang DOH at ang World Health Organization (WHO) para isapinal ang eksaktong dami ng bakunang kakailanganin para sa ikakasang mass vaccination.

Aniya, ipinangako ng WHO na sapat ang kakailanganing bakuna at mga gamit para mapagkalooban ng bakuna ang lahat ng mga batang kailangang mabigyan nito.

“They (WHO) promised po, kumpleto, lahat ng kakailanganin natin, WHO will be able to provide. Lahat po ng batang dapat mabakunahan, mabibigyan po natin,” ani Domingo, sa panayam sa telebisyon.

Nauna rito, sinabi ng DOH na target nilang mabakunahan ang nasa 5.5 milyon ng mga batang edad 5 pababa laban sa polio, na itinuturing nilang high risk sa naturang sakit.

Matatandaang kinumpirma ng DOH na matapos ang 19-taong pagiging polio-free, nakapagtala muli ang Filipinas ng dalawang kaso ng polio sa bansa, kabilang ang isang 3-taong gulang na batang babae na mula sa Lanao del Sur, na hindi nabakunahan, at isang 5-taong gulang na batang lalaki, na mula naman sa Laguna, at nabakunahan naman, ngunit talaga umanong mahina ang immune system.

Bukod dito, mayroon pa umanong pitong suspected case ng polio na iniulat sa Zamboanga at mino-monitor na ngayon ng DOH.

Kaugnay nito, muling nanawagan si Domingo sa publiko, partikular sa mga magulang, na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa polio.

Kabilang sa mga maaaring pabakunahan ay ang mga batang limang taong gulang pababa.

Kahit naman dati nang nabakunahan kontra sa polio ay duda ang mga magulang na nakakumpleto ng bakuna ang kanilang mga anak, ay maaari pa rin umanong bigyang muli ng bakuna ang mga bata bilang supplemental immunization dahil wala naman aniyang overdose dito.

“Walang overdose sa polio vaccine,” ani Domingo. “Kung hindi sila sigurado kung na-kumpleto, dalhin pa rin po.”

Ayon sa DOH, ang mga batang wala pang isang taong gulang ay dapat na makakumpleto ng tatlong dose ng oral polio vaccine (OPV) at isang injected dose ng Inactivated Polio Vaccine (IPV). ANA ROSARIO HERNANDEZ