AABOT sa 700 kabataan na nasa edad 5 hanggang 11 age group ang nakaiskedyul na mabakunahan sa paglulunsad ng “Bakuna Para sa YO” (younger ones) sa darating na Pebrero 4 na gaganapin sa SM Sucat, Parañaque City.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang mga pangalan at iskedyul ng 700 na mababakunahang kabataan ay nakapaskil sa Facebook page ni mayoredwinolivarezofficial.
Ang mga magulang ay pinaalalahanan na dalhin ang kanilang mga anak sa vaccination site ilang minuto bago sumapit ang iskedyul ng oras na nakatakda sa pagbabakuna ng kanilang mga anak na kanilang matatanggap sa pamamagitan ng text o message sa SMS para sa nakatakdang baksinasyon.
Pinayuhan din ng lokal na pamahalaan ang mga magulang at tagabantay ng mga bata na huwag kalimutang dalhin ang birth certificate na manggagaling sa Philippine Statistic Authority (PSA) o sa Local Civil Registrar (LCR) pati ang iba pang dokumento na magpapatunay ng kanilang relasyon sa bata na kasama tulad ng valid ID, anumang ID ng menor, at ang medical certificate ng mga may comorbidities na pirmado ng doktor.
Maaaring iparehistro ng mga magulang ang kanilang mga anak sa https://paranaquecity.ph//paranaquenyo para makatanggap ng bakuna laban sa COVID-19 virus.
Ang paglulunsad ng “Bakuna Para sa YO” ay gaganapin sa SM Sucat at sa darating na Pebrero 7 ay magkakaroon ng simultaneous vaccination para sa mga menor na magaganap naman sa Ayala Malls at Ospital ng Paranaque 1 and 2 (OsPar 1&2).
Ang baksinasyon sa SM Sucat at Ayala Malls ay magaganap mula Lunes hanggang Biyernes samantalang sa OSPAR1 ay tuwing Lunes, Huwebes at Biyernes habang sa OSPAR 2 naman ay magaganap tuwing Martes, Miyerkules at Huwebes. MARIVIC FERNANDEZ