BAKUNA VS ASF DADAGDAGAN

PATULOY ang pakikipag-ugnayan ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa Food and Drug Administration (FDA) para sa layuning maparami ang mga bakuna kontra African swine fever (ASF) sa bansa.

Ayon kay Agriculture Asec Dante Palabrica, sa ganitong paraan, maaaring bumaba rin ang presyo ng bakuna at mas maging abot-kaya sa mga hog raiser.

Sa ngayon, may apat hanggang limang aplikasyon ang pinag-aaralan ng BAI at FDA, kabilang ang mula sa US, Korea, Vietnam at Thailand.

Siniguro naman ng opisyal na dadaan ang mga bakunang ito sa masusing pagsusuri para matiyak na epektibo at ligtas ito bago iendorso sa FDA at mabigyan ng permit.

Kasama sa kinokonsidera ng DA ang posibilidad na maging ang mga inahin ay mabakunahan na rin kontra ASF bukod sa mga grower o mga biik.

Kaugnay nito, patuloy na pinag-aaralan ng DA ang pagbibigay ng subsidy sa mga backyard hog raiser para magkaroon ng kakayahang makapagpabakuna sa kanilang mga alagang baboy.

Bukod sa bakunahan, kasama rin sa prayoridad ng DA ang mga programa sa repopulation bilang tugon sa kakulangan ng baboy.
PAULA ANTOLIN